PANANAKIT NG LIKOD O BACK PAIN
Ang pananakit ng likod o back pain ay isang karaniwang kondisyon na kadalasang konektado buto sa likod o gulugod (vertebral column). Maaaring maramdaman ito sa bandang leek, o kaya naman ay sa ibabang likod o lower back. Kadalasan itong nararanasan kapag hindi tama ang pustura, o kaya'y may kondisyong nakaaapekto mismo sa buto sa likod. Bukod pa rito, ang ilang mga kondisyon din sa kalamnan sa likod ay maaaring makapagdudulot din ng pananakit ng likod o back pain.
ANO ANG SANHI NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang pananakit ng likod ay kadalasang nakukuha dahil sa mga gawaing nakasanayan na sa matagal na panahon. Maaaring ito ay dahil sa maling postura na nakasanayan na, sa maling posisyon ng likod habang nakatayo o nakaupo, sa mga maling pamamaraan ng pagbubuhat ng mga mabigat na bagay, o kaya naman sa pagsusubsob ng sarili sa trabaho ng matagal. Sa tagal ng panahon na ginagawa ang mga maling nakanasayang ito nabubuo ang pananakit ng likod. Ang pagkapagod ng mga kalamnan sa likod, na marahil dahil sa sobrang gawain o sa hindi pag-unat ng maaayos bago kumilos, ay nakaka-kontribyut din sa pananakit ng likod lalo na sa ibabang bahagi. Ang pagbubuntis ay isa ring karaniwang dahil ng pananakit ng likod sa mga kababaihan. Dahil ito sa mga pagbabagong hormonal sa katawan at siyempre sa dagdag na timbang mula sa dinadalang sanggol. Bukod sa mga nabanggit, may ilang kondisyon o karamdaman din ang nakapagdudulot ng pananakit ng likod. Halimbawa ng mga sakit na nakaaapekto sa likod ay ang osteoporosis o pagrupok ng mga buto; ang sciatica na isang karamdaman na nakaaapekto sa sciatic nerve na nakakonekta sa likod, at ang osteomyelitis o impeksyon ng bacteria sa mga buto. Ang pagkakasangkot sa mga aksidente na nakapinsala sa likod ay maaaring magdulot din ng matagal na kondisyon ng back pain.
SINO ANG MADALAS MAKARANAS NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang posibilidad ng pagkakaranas ng pananakit ng likod ay tumataas dahil sa ilang salik. Maaring dahil din sa mga gawaing nakasanayan, sa mga kondisyon at karamdaman. Narito ang ilang salik na makadaragdag ng posibilidad ng pagkakaroon ng back pain:
- Pagiging buntis.
- Pagiging matatanda
- Pagkakasangkot sa aksidente na nakaapekto sa likod
- Kasaysayan ng pananakit ng likod sa pamilya
- Hindi regular na pag-eehersisyo
- Mga trabahong mayroong pagbubuhat ng mabigat o pag-upo ng matagal na oras
- Paninigarilyo
- Pagiging mabigat ng timbang o obese
- Pagkakaroon ng hindi aktibong pamumuhay
ANO ANG MGA SINTOMAS NG PANANAKIT NG LIKOD?
Ang mismong pananakit ng likod ay maituturing na sintomas ng ibang kondisyon sa katawan. Maaaring karamdaman na konektado sa buto sa likod, karamdaman sa mga kalamnan o kaya ay karamdaman sa mga nerves na konektado sa buto at kalamnan sa likod na bahagi ng katawan. Ang mga kadalasang nararanasan sa pagsakit ng likod ay ang sumusunod:
- Pananakit ng likod mula sa patagal na pagkakaupo
- Pasmadong kalamnan sa likod
- Stiff neck
- Pananakit ng likod dahil sa simpleng paglalakad o pagkilos
- Pananakit ng likod kasabay ng pananakit ng hita
- Pamamanhid ng kalamnan sa likod
- Iritableng pakiramdam sa likod
- Hindi mahanap ang kumportableng posisyon ng likod
- Pananakit ng likod sa paggising sa umaga
- Hirap sa pagtulog
- Depresyon at pagkabalisa
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Kung ang pananakit ay nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain, tumitindi ang kirot, o tumatagal na hindi nawawala kahit mabigyan ng paunang lunas, makabubuting ipatingin na ito sa doktor. Humingi ng payo kung paano maiibsan ang nararamdamang sakit. Kumunsulta agad sa duktor kung:
- Ang sakit ay umabot na hanggang hita pababa sa inyong mga binti
- May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan
- May pagkawala ng control sa pagdumi at pag-ihi
- Ang pananakit ay dulot ng aksidente
- Di na makakilos ng mabuti sa sobrang pananakit
- Di gumiginhawa pagkatapos ng 2-3 linggo
- May kaakibat na pananakit ng dibdib
- Biglaang panghihina ng hita, paa at binti
PAANO MALAMAN KUNG MAY PANANAKIT NG LIKOD?
Bago ang lahat, inaaalam muna ng doktor ang mag posibleng dahilan ng pananakit ng likod. Maaring magsagawa ng interbyu ang doktor tungkol sa trabaho, mga nakasanayang gawain, at iba pang mga bagay na maaaring makaapekto sa likod. Ang tipikal na pananakit ng likod ay kadalasang nawawala sa loob ng 6 na linggo. Ngunit kung ito ay tumagal na higit pa dito, maaaring isailalim sa X-ray o CT scan ang pasyente upang makita ang gulugod at iba pang bahagi ng likod upang matukoy kung mayroong problema na nakapagdudulot ng pananakit ng likod.
ANO ANG GAMOT SA PANANAKIT NG LIKOD?
Upang maibsan ang pananakit ng likod, dapat ay mahanap ang tamang postura at pinaka-tamang posisyon ng likod. Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod, o di kaya’y iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para ang mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaring gawin ito ng 1-2 araw para mapahinga ang ating likod. Pero importante pa rin na maglakad-lakad ng pakonti-konti, at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit. Tandaan na ang hindi pagkilos ay nakakadulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaring makakapagpatagal sa pagkawala ng sakit. Uminom ng gamot gaya ng Paracetamol o Ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drugs ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.
PAANO MAKAIWAS SA PANANAKIT NG LIKOD?
May ilang hakbangna dapat sundin para maiwasan ang madalas at tumatagal na pananakit ng likod. Kadalasan, ang mga ito ay konektado sa pagtatama ng postura at pag-iwas sa mabibigat na trabaho na hndi na kaya ng likod. Narito ang ilang hakbang:
Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan. Ibaluktot ang tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binibuhat ang bagay. Panatilihing malapit ang bagay habang binubuhat.
Itulak at huwag hilain ang mga mabibigat na bagay
Kung ikaw ay nakaupo ng matagal na oras, siguraduhing ikaw ay mag-unat-unat kada ilang minuto.
Sa mga babae, mas mainam ang mga flat shoes or mga sapatos na mababa lang ang heels (1 pulgada o mas mababa).
Mag-ehersisyo!
Tandaan ang tamang postura. Kung uupo, piliin ang mga upuan na tuwid ang likod o di-kaya’y may low-back support. Panatilihing mas mataas ng konti ang tuhod kesa sa balakang. Kung nakatayo, panatilihing ang iyong mga tainga, mga balikat, at balakang ay nasa isang tuwid na linya. Ang ulo ay hindi dapat nakayuko o nakatingala.
No comments