MABAHONG HININGA O BAD BREATH
Ang bad breath o mabahong hininga, tinatawag na halitosis sa terminolohiyang medikal, ay isang karaniwan at hindi kanais-nais na kondisyon para sa maraming tao. Ang mabahong amoy ay maaaring nagmumula sa bibig mismo at sa dila. Dahil nga ito ay nakakabagabag at nakakahiyang kondisyon, maaari din itong magdulot ng emotional stress at pagkabalisa.
ANO ANG SANHI NG BAD BREATH?
Ang 'di kanais-nais na amoy ay kadalasang nagmumula sa bibig at may ilang bagay na nakaaapekto sa amoy na ito. Narito ang ilan:
Pagkain. Ang lahat ng pagkain na kinakain ay maaaring makaapekto sa hininga ng tao. Ito ay dahil sa mga kemikal at substansya na makukuha sa mga pakain sa oras na nagsimula ang proseso ng digestion sa bibig. Ang mga pagkain na may matatapang na kemikal at amoy ay higit na nakaaapekto sa hininga; halimbaya ay ang sibuyas, bawang at iba pang pampalasa.
Sigarilyo. Ang mga kemikal na nakukuha sa paghithit ng sigarilyo ay maaaring kumapit sa bibig at magdulot din ng hindi kanais-nais na amoy. Maaari ding magdulot ito ng sakit sa gilagid na isa pang sanhi ng mabahong amoy.
Kawalan ng pag-aalaga sa bibig. Kung ang bibig ay mapapabayaan, hindi sisipilyuhin o lilinisin, tiyak na maiipon ang tinga sa ngipin, dila at iba pang bahagi ng bibig na siya namang pinupugaran ng bacteria na nagdudulot din ng masamang amoy. Ang mataas na bilang ng bacteria sa bibig ay maaaring magdulot ng mga sakit na nakadaragdag sa 'di kanais-nais na amoy.
Tuyong bibig. Ang pagiging tuyo ng bibig, na karaniwang kondisyon sa paggising sa umaga o mas kilala natin sa tawag na panis na laway, ay isa ring dahilan ng pagkakaroon ng mabahong hininga. Ang laway kasi y tumutulong pagpapanatiling malinis ng bibig mula sa umaatakeng bacteria.
Mga sakit at kondisyon sa bibig. Ang ilang kondisyon sa bibig na dulot ng impeksyon ng bacteria o kaya naman ay sugat, ay maaaring magdulot ng mabahong hininga. Ang bulok na ngipin, pagsusugat ng gilagid o gingivitis, at mga mouth sores o singaw ay nakadaragdag sa mabahong amoy.
Iba pang kondisyon sa katawan. May ilang sakit na nakaaapekto sa daluyan ng pagkain gaya ng esophagus at tiyan, pati sa daluyan ng hininga na maaaring magdulo ng mabahong amoy. Halimpawa, kung nakakaranas ng acid reflux mula sa tiyan, maaari itong magdulot ng mabahong amoy.
SINO ANG MAAARING MAGKAROON NG BAD BREATH?
Ang lahat ng tao ay hindi ligtas sa pagkakaroon ng mabahong hininga. Wala itong pinipiling edad o kasarian. Kung kaya, makabubuting iwasan o gawan ng paraan ang mga nabanggit na dahilan ng pagkakaroon ng bad breath.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG MABAHONG HININGA?
Syempre, ang pangunahing sintomas ng mabahong hininga o bad breath ay ang mabahong amoy ng hininga. Ang amoy ay nakadepende sa kung anong sanhi nito. Maaaring matindi ang amoy at tumatagal, maaari namang panandalian lang, at maaari ring magpabalik-balik. Minsan, lalo na kung may impeksyon sa bibig, ay may pagsusugat sa mga gilagid.
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Kung may mabahong hininga, gawan agad ng paraan para ito ay mawawala. Maaaring lumapit sa doktor kung hindi sigurado sa dahilan ng pagkakaroon ng hindi kanais-nais na amoy. Kung may karamdaman sa bibig, makabubuting ipagamot ito kaagad.
PAANO MALAMAN KUNG MABAHO ANG HININGA?
Ang pagkakaroon ng mabahong hininga ay madaling natutukoy sa simpleng pag-amoy lang kung kaya hindi na ito nangangailangan ng agarang atensyon mula sa eksperto. Ngunit minsan, maaaring hindi maamoy ang sariling hininga kaya para makasigurado, humingi ng tulong sa kapamilya o kaibigan. Maaari din magpatingin sa dentista para sa konsultasyon ng amoy ng hininga.
ANO ANG GAMOT SA MABAHONG HININGA O BAD BREATH?
Dahil karamihan ng kaso ng bad breath o mabahong hininga ay nagmumula sa mga bacteria sa ilalim ng dila, ang pagsisipilyo sa dila ay ang pinakamabisang paraan upang magamot ang bad breath. Siguraduhin din na nasisipilyo ang iba pang bahagi ng bibig. Maaaring samahan ng mouthwash at paggamit ng dental floss ang pagsisipilyo upang mas makasigurong malinis ang bibig. Tandaan na regular at kumpleto dapat ang pagsisipilyo para ito’y maging epektibo. Ang pagmumumog gamit ang mouthwash bago matulog ay epektibo rin sa pagbawas ng mabahong hininga o bad breath. Ang pagnguya ng chewing gum ay maaari ring makabawas sa bacteriang sanhi ng bad breath sa pamamagitan ng pagpapadami ng laway sa bibig: ang laway ay nakakatulong sa paglinis ng bibig at nakakabawas sa bacteria. Kung ang mabahong hininga ay dulot ng ibang karamdaman sa bibig at kondisyon sa katawan. Marapat lang na ipatingin ito sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.
PAANO MAKAIWAS SA MABAHONG HININGA?
Ang regular na pagsisipilyo, regular na pagpapatingin sa dentist, at pag-gamit ng dental floss ay bahagi ng oral hygiene o kalinisan ng bibig at lahat ng ito’y nakakatulong para maiwasan ang pagkakaroon ng bad breath. Kaya panatilihing malinis ang bibig. Iwasan din ang paninigarilyo at mga matatapang na pagkain. Kung mayroong karamdaman sa bibig, bigyan din ito agad ng lunas. Bigyang halaga ay iyong hininga!
No comments