Breaking News

ANEMIA





ANO ANG ANEMIA?

Ang anemia ang isang kondisyon kung saan kulang ang red blood cell (RBC) o hemoglobin ng isang tao. Ang 'hemoglobin' ay isang protina sa dugo na responsable sa pangongolekta at paghahatid ng oxygen sa iba't ibang ng katawan, ang ang mga red blood cell naman ang mga cell sa dugo na may taglay na haemoglobin. Kung may kakulangan sa RBC o sa hemoglobin, posibleng hindi sapat ang oxygen na makuha ng katawan, at ito ay pwedeng magdulot sa pagiging matamlay, pakiramdam na pagod, at iba pang sintomas at komplikasyon.


ANO ANG SANHI NG ANEMIA? PAANO NAGIGING ANEMIC ANG ISANG TAO?

Maraming dahilan kung bakit maaaring maging anemic o magkaron ng anemia ang isang tao. Ang mga sanhing ito ay maaaring igrupo sa tatlong kategorya: (1) ang pagkawala o kabawasan ng dugo (blood loss); (2) ang pagkakaron ng diprensya sa pagbubuo ng blood cells sa katawan; at (3) ang pagkasira ng mga red blood cells.


ANEMIA DAHIL SA PAGKAWALA NG DUGO O BLOOD LOSS

Kasama dito ang mga kondisyon gaya ng ulcer na nakakabawas ng dugo sa katawan. Kung sobra ang dugong nawala sa pagregla o panganganak, ito'y maaari ding maging sanhi ng anemia.


ANEMIA DAHIL SA DIPRENSYA SA PAGBUO NG RED BLOOD CELLS

Sa grupong ito maaari nating isama ang anemia na dahil sa kakulangan ng iron o iron-deficiency anemia. Ang iron kasi ay isang element na isang mahalagang sangkap para makabuo ng mga hemoglobin. Kaya kung kulang ang katawan nito, maaari talagang hindi sapat ang mabuong dugo. Isa pang karaniwang uri ng anemia na nasa ilalim ng pangkat na ito ay ang sickle cell anemia, kung saan iba ang hugis ng mga red blood cell, kaya hindi ito gumagana ng tama - imbes na bilog, korteng 'sickle' o palayok ang mga cell. Ang mga iba't ibang kondisyon na ito ay maaaring namamana (genetic); dahil sa ibang sakit (gaya ng ulcer o problema sa pag-regla); impeksyon; at iba pa. Meron ding mga anemia na dahil sa kakulangan ng nutrisyon ang dahilan gaya ng iron-deficiency anemia, kung saan kulang sa iron ang katawan.


ANG PAGIGING 'LOW BLOOD' BA AY KATUMBAS NG PAGKAKARON NG ANEMIA?

Hindi. Kapag sinabing low blood o high blood, ang sinusukat ay ang presyon ng dugo o 'blood pressure'. Ito'y hindi katumbas ng pagkakaron ng anemia, bagamat maraming tao ang nalilito at napapaghalo ang mga kondisyon na ito.



ANO ANG MGA SINTOMAS NG ANEMIA?


Dahil ang anemia ay nagdudulot sa kakulangan ng oxygen sa katawan, ang mga sintomas nito ay panghihina ng katawan, at ang mga sumusunod:

  • Pakiramdam na laging pagod
  • Pangangalos
  • Hapo o hirap sa paghinga
  • Pagiging matamlay o maputla
  • Hilo at pananakit ng ulo
  • Mabilis pulikatin ang mga binti
  • Hindi makatulog


Bukod sa mga sintomas na ito, maaaring may mga ibang sintomas, depende sa uri ng anemia. Halimbawa, sa iron-deficiency anemia, maaaring makaranas ng sore throat o parang may singaw sa bibig o lalamunan.

Tandaan, ang mga sintomas ng anemia ay nakadepende kung gaanong kalala ang kakulangan ng hemoglobin o red blood cell sa dugo. Kung hindi naman gaanong kalala ang anemia, maaaring walang maramdaman na sintomas, maliban sa pagiging mabilis mapagod.


PAANO MALAMAN KUNG MAY ANEMIA?


Ang anemia ay maaaring makita sa complete blood count (CBC), isang laboratory test kung saan may kukunin na kaunting dugo sa katawan sa pamamagitan ng syringe. Sa blood test na ito, sisilipin sa microscope ang mga blood cells at bibilangin kung normal ba ang dami ng iba't ibang uri ng blood cell. Para makita kung may anemia ba, at kung anong uri ng anemia, uusisiin ang mga ito:

1. Hemoglobin. Kung mababa ang hemoglobin, ibig sabihin, mababa ang bilang ng red blood cell. Ang normal na antas ng hemoglobin ay 14-18 mg/dL para sa mga lalaki at 12-16 mg/dL para sa mga babae. Kung mas mababa dito, maaari itong gamiting basihan para sabihing may anemia ang isang tao.

2. Hematocrit. Hematocrit naman ang porsyento ng red blood cell sa dugo. Kung ito'y mababa, maaaring mangahulugan ito na kulang ang red blood cell sa katawan.

3. MCH, MCHC, at MCV (Mean corpuscular hemoglobin, mean corpuscular hemoglobin concentration, at mean corpuscular volume). Ang mga ito ay sisilipin din dahil nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa hugis at anyo ng mga red blood cell. Ang impormasyon na ito ay makakatulong upang malaman kung anong uri ng anemia ang meron (kung meron man).

Bukod sa CBC, maaaring may iba pang mga laboratory test na ipagawa, depende sa suspetsa ng doktor na sanhi ng anemia. Halimbawa, kung kakulangan ng iron ay tinitingnan na posibilidad, maaaring mag-request ang doktor ng serum iron, karagdagang lab test na sinusukat ang antas ng iron sa dugo, para makita kung kulang nga ba talaga.


ANO ANG GAMOT SA ANEMIA?


ANO ANG MABISANG GAMOT SA ANEMIA?

Depende ito sa partikular na sanhi ng anemia sa isang pasyente. Kung ang sanhi ng anemia ay kukulangan sa mga vitamins at minerals gaya ng folic acid, vitamin B12, at iron, ang pag-inom ng multivitamins na may taglay na mga bitamina at mineral na ito ay makakatulong sa pagpagagaling ng anemia. Pero halimbawa kung ang sanhi ng anemia ay ang pagkakaron ng ulcer, kailangang gamutin ang ulcer para magamot ang anemia. Gayunpaman, ang pag-inom ng multivitamins na may iron, folic acid, at Vitamin B12 ay maaaring inumin ng mga may anemia.


EPEKTIBO BA ANG IRON NA GAMOT LABAN SA ANEMIA?

Epektibo lamang ang iron kung kakulangan ng iron ang sanhi ng pagkakaron ng anemia. Maaari itong subukan sapagkat may mga kaso talaga ng anemia na makakatulong ang iron, pero hindi lahat ng anemia ay mapapagaling ng iron.

Babala: Huwag iinumin ang iron supplements o multivitamins na may iron na kasabay ng pag-inom ng antacid o tetracycline na isang uri ng antibiotic. Huwag din isabay sa pag-inom ng iron ang pagkain o pag-inom ng mga pagkain o inumin na mataas ang caffeine gaya ng tsaa, kale, at tsokolate.



BUKOD SA GAMOT, ANO PANG ANG PWEDENG GAWIN PARA SA ANEMIA?

Bukod sa pag-inom ng multivitamins na may iron, maganda ring kumain ng mga pagkain na mayaman sa iron, gaya ng karne lalo na ang mga atay, mga tahong, suso, at iba pang seafood. Pero tandaan na ang pagkain ng mga pagkaing ito ay hindi din dapat sobrahan lalo na sa may mga sakit sa puso o mataas ang kolesterol. Bukod sa mga ito, mataas din sa iron ay mga beans gaya ng sitaw, bataw, at patani; at maging mga gulay gaya ng spinach at malunggay.


PAANO MAKAIWAS SA ANEMIA?

Hindi lahat ng uri ng anemia ay pwedeng iwasan, pero makakatulong ang mga pagkain ng mga pagkain na mayayaman sa bitamina. Lalo na ang mga pagkain na mataas sa Iron, Vitamin C, Vitamin B12, at Folic Acid:


MGA PAGKAIN NA MATAAS SA IRON

Tulad ng nabanggit sa naunang artikulo, mataas sa iron ang mga karne gaya ng karneng baka lalo na ang parteng atay. Mataas din sa iron ang mga iba't ibang klase ng beans, mga gulay gaya ng spinach at malunggay, at mga prutas.


MGA PAGKAIN NA MATAAS SA FOLIC ACID

Ang Folic Acid ay natural na nasa mga prutas at gulay. Marami ding mga pagkain ang 'fortified' o may halong folic acid gaya ng ilang mga tinapay.


MGA PAGKAIN NA MATAAS SA VITAMIN B12

Ang bitaminang ito ay nasa karne, gatas, mga produktong gawa sa soy gaya ng taho, soymilk, at tofu.


MGA PAGKAIN NA MATAAS SA VITAMIN C

Kabilang dito ang mga prutas na maasim gaya ng kalamansi, dalandan, pomelo, at ibang prutas gaya ng pakwan at melon.

Ang pag-inom ng mga multivitamins na mayroong mga bitaminang nabanggit ay maaari ding makatulong na maka-iwas sa anemia ngunit mas maganda kung ang mga bitaminang ito ay magmumula sa mga pagkain gaya ng prutas at gulay.


No comments