ANAK-ARAW
Ang pagiging anak-araw, o albinism sa terminong medikal, ay isang karamdamang genetiko na nakaaapekto sa kakayanan ng balat na maglabas ng melanin. Ang melanin ay ang nagbibigay kulay sa balat at mata at nagsisilbing proteksyon mula sa sinag ng araw. Dahil nga sa kakulangan ng melanin sa balat, ang mga taong anak-araw ay may napaka-puting balat, madilaw na buhok at kadalasang sensitibo ang balat sa araw. Ang pagiging anak-araw ay nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa balat.
ANO ANG SANHI NG PAGIGING ANAK-ARAW?
Ang pagiging anak-araw ay isang halimbawa ng mutation, o pagbabago sa genes ng isang tao. At ang pagbabagong ito ay nakaaapekto sa produksyon ng melanin na nagmumula sa mga melanocytes na makikita naman sa balat at sa mata. Kinakailangang mamana ng anak ang isang pares ng genes na may pagbabago (mutated genes) mula sa ina at ama bago siya maging isang ganap na anak-araw.
SINO ANG MAAARING MAKARANAS NG KONDISYON NA ITO?
Dahil kinakailangan makakuha ng isang pares ng mutated genes mula sa parehong magulang, ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay nagaganap lang sa mga taong may magulang na parehong may kasaysayan ng pagiging anak-araw sa kanilang pamilya. Ang sakit na ito ay namamana lamang at hindi makakahawa.
ANO ANG MGA KOMPLIKASYON NG PAGIGING ANAK-ARAW?
Ang mga komplikasyon sa pagkakaroon ng albinism ay kadalasang konektado sa mga sakit sa balat gaya ng madalas na pagkasunog ng balat o sunburn, pati na ang skin cancer. Ngunit bukod dito, madalas din makaranas ng problemang emosyonal ang mga taong anak-araw dahil nga sa kanilang kakaibang itsura. Madalas, lalo na sa mga eskuwelahan, ay tinutukso at binabansagan base sa kanilang panlabas na itsura.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG PAGIGING ANAK-ARAW?
Ang mga sintomas ng pagiging anak-araw ay madaling nakikita sa kulay ng balat, buhok at mata, ngunit maaari din namang ang mga senyales na ito ay hindi lumitaw. Gayunpaman, tiyak na nakararanas ng problema sa paningin ang taong anak-araw. Narito ang listahan ng mga sintomas ng pagiging anak-araw:
- Sobrang maputi na balat
- Mga pekas sa balat
- Mga nunal na maputla ang kulay
- Blonde o maputing buhok sa buong katawan gaya ng ulo, kilay at pilik-mata at iba pa.
- Maputlang asul o brown na kulay ng mata
- Pagiging malabo ng paningin
- Sensitibo sa liwanag
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Mula pa lamang sa pagkakapanganak ng sanggol na mayroong mga sintomas ng pagiging anak-araw, dapat nang maipatingin kaagad sa doktor ang sanggol upang maliwanagan sa mga posibleng kondisyon na maranasan gaya ng pagkakaroon ng diperensya sa paningin. Dapat ding magpatingin kung nakararanas ng pagdurugo ng ilong at madaling pagkakaroon ng pasa sapagkat maaaring ito ay isang uri din ng pambihirang sakit genetiko, na kung tawagin ay Hermansky-Pudlak o kaya naman Chediak-Higashi syndrome.
PAANO MALAMAN KUNG MAY KONDISYON NG PAGIGING ANAK-ARAW?
Ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay madaling natutukoy sa pamamagitan ng obserbasyon lamang at mga pisikal na eksaminasyon sa katawan. Ang pagkukumpara ng kulay ng pasyente sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya ay makapagsasabi rin ng pagkakaroon ng sakit na albinism. Maaari ding suriin ng isang ophthalmologist ang mga mata ng pasyente upang malaman kung nakararanas ng mga kondisyon na gaya ng panlalabo ng paningin o kaya pagiging sensitibo sa liwanag.
ANO ANG GAMOT SA KONDISYON NG PAGIGING ANAK-ARAW?
Dahil ang pagiging anak-araw ay isang karamdamang nakaapekto sa genes ng tao, limitado o halos walang lunas para dito. Ang mahalagang bigyan ng pansin lamang ay ang mga komplikasyon na posibleng kahantungan ng pagkakaroon ng sakit na ito.
Para sa mga kondisyon sa paningin, maaaring dapat ay bigyan ng nararapat na salamin o lente ang mata para maging mas maayos ang paningin.
Maaring kinakailangan din ang regular na pagpapatingin ng balat sa pagkakaroon ng skin cancer, dahil higit na mataas ang panganib ng pagkakaroon ng kanser sa balat dahil sa pagiging anak-araw.
Kinakailangan ding suportahan ng mga kapamilya at kaibigan ang taong may kondisyon ng albinsim upang maiwasan ang emosyonal na problema na dulot din ng pagkakaroon ng sakit na ito.
PAANO MAKAKAIWAS SA PAGIGING ANAK-ARAW?
Dahil nga ang sakit na ito ay namamana o nakukuha mula sa mga magulang, walang malinaw na paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng ganitong kondiyon. Kung kaya, dapat ay tulungan na lamang ang indibidwal na nakararanas nito na magkaroon ng mas normal na pamumuhay. Maaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Gumamit ng mga salamin na may mabisang lente para mapalinaw ang paningin
- Gumamit ng sunscreen lotion upang maiwasan ang masmadalas na pagkasunog ng balat
- Umiwas sa pagbibilad sa araw lalo na sa katanghalian
- Gumamit o magsuot ng proteksyon sa balat gaya ng sombrero, long-sleeve na damit at mga pantalon
- Gumamit din ng shades bilang proteksyon ng mata mula sa sinag ng araw.
No comments