APPENDICITIS
MGA KAALAMAN TUNGKOL SA APPENDICITIS
Ang appendicitis ay ang kondisyon kung saan namamaga ang appendix, ang tatlong pulgada na nakadugtong sa bahagi ng bituka. Ang pamamagang ito ay tinuturing na emergency o nangangailangan ng agarang atensyon, dahil kung hindi, may posibilidad na ito ay pumutok at makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan. Sa kaso naman ng pumutok na appendix, nangangailangan ito ng matindi at agarang gamutan upang maiwasan ang impeksyon sa ibang bahagi ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.
ANO ANG SANHI NG APPENDICITIS?
Nagaganap ang pamamaga ng appendix kapag ito ay nabarahan ng dumi, o kaya naman ng ibang bagay na dumadaan sa bituka. Maaari din itong mamaga dahil sa pagbara na dulot ng tumor o cancer. Ang anumang impeksyon ay maaari din magdulot ng pamamaga sa appendix.
ANO ANG MGA KOMPLIKASYON NA MAAARING MANGYARI MULA SA APPENDICITIS?
Ang komplikasyon ay maaaring maranasan kapag ang pamamaga ng appendix ay hindi naaagapan at ito ay pumutok. Ang pumutok na appendix ay maaaring may mga nana na kapag dumikit sa ibang bahagi ng tiyan ay magdudulot ng impeksyon. Ang impeksyon sa iba pang bahagi ng tiyan ay tinatawag na peritonitis, isang seryosong kondisyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Kailangan itong magamot sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makamatay.
PAANO MALAMAN KUNG MAY APPENDICITIS?
Ang pagkakaroon ng appendicitis ay hindi madaling matukoy sapagkat ang mga sintomas na nararanasan dito ay kahalintulad ng iba pang kondisyon gaya ng sakit sa apdo, sakit sa pantog, UTI, sakit sa obaryo ng babae, impeksyon sa bituka, pati na ang gastritis at Crohn's Disease. Dahil dito, maaaring magsagawa ng ilang pasusuri ang mga doktor upang makasiguro na appendicitis ang nagdudulot ng sakit. Ang ilan dito ay ang sumusunod:
- Blood tests kung upang matukoy ang pagkakaroon ng impeksyon.
- Urine tests upang matukoy kung ito'y sakit na dulot ng UTI
- Mga eksaminasyon sa tiyan
- Mga eksaminasyon sa tumbong o rectum
- CT Scan
- Ultra Sound
ANO ANG GAMOT SA APPENDICITIS?
Ang pangunahing solusyon sa pagkakaroon ng appendicitis ay operasyon o surgery. Appendectomy ang tawag sa operason na tanging para sa appendix. Bago ito isagawa, bibigyan muna ng matapang na antibiotic upang maiwasan ang posibilidad na peritonitis o ang pagputok at pagkalat ng impeksyon sa ibang bahagi ng katawan. Tuturukan ng general anesthesia at saka hihiwaan sa gilid na bahagi ng tiyan kung saan tatanggalin ang namamagang appendix. Kung sakali naman na nagkaroon ng peritonitis, maaaring linisin muna ang buong tiyan upang maalis ang kumalat na nana sa tiyan. Matapos ang operasyon, maaari nang makabalik sa gawain matapos ang 2 hanggang 3 linggo. Walang dapat na ikabahala sa pagtanggal sa appendix sapagkat wala namang magbabago sa katawan kung ito ay maalis.
PAANO MAKAIWAS SA APPENDICITIS?
Sa ngayon, walang tiyak na paraan para maka-iwas sa pagkakaroon ng appendicitis, ang tangi lamang magagawa ay ang pagkain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa fiber upang mas mapababa ang posibilidad na magkaroon ng appendicitis. May ilang kasabihan na maiiwasan daw ang pagkakaroon ng appendicitis kung hindi lulundag pagkatapos kumain o kaya ay iiwas sa pagkain ng mga pagkain na may maliliit na buto, subalit walang sapat na pag-aaral ang makapagpapatunay dito.
No comments