Pulmonya o Impeksyon sa Baga
Ang pulmonya ay isang matinding impeksyon sa baga dulot ng bacteria, virus o fungus. Mas malaki ang panganib kung ang pasyente ay edad 65 pataas, may matagalang karamdaman o mahina ang immune system.
Ang iba pang risk factors sa pagkakaroon ng pulmonya ay ang paninigarilyo, may emphysema (isang sakit sa baga), at exposure sa polusyon sa hangin.
Paano nakukuha ang pulmonya?
Kadalasan ay nag-uumpisa ang pulmonya bilang isang trangkaso o ubo. At kung mahina ang ating katawan, puwedeng lumipat ang impeksyon sa ating baga at maging pulmonya. Ang sintomas ng pulmonya ay ang lagnat, ubo, hirap sa paghinga at panghihina ng katawan. Ngunit hindi lahat ng tao ay magkakaroon nitong sintomas. Dahil dito, mas mabuti ng magpa-Chest X-ray ang pasyente. Ang Chest X-ray ang tiyakang magsasabi kung ika’y may pulmonya o wala. Ipinasusuri din ng doktor ang plema (sputum test) para matukoy ang mikrobyo ng pulmonya. Makikita sa blood test (CBC test) ang epekto ng impeksyon sa katawan.
Ano ang komplikasyon?
May 2 klase ng pulmonya. Ang isa ay nakukuha sa komunidad, ang Community Acquired Pneumonia. Ang isa naman ay galing sa ospital, ang Hospital Acquired Pneumonia. Mas seryoso ang mikrobyo na galing sa ospital. Ang komplikasyon ng pulmonya ay mas nakikita sa mga may edad, naninigarilyo at may dating sakit sa baga. Posibleng lumipat ang mikrobyo mula sa baga at kumalat ito sa dugo. Sepsis ang tawag dito. Puwede ding magkaroon ng nana (abscess) at tubig sa baga.
Gamutan sa Pulmonya:
1. Pag-inom ng antibiotics. Kapag hindi malala ang pulmonya, puwede pa ito makuha sa pag-inom ng antibiotics, tulad ng Co-Amoxiclav 375 mg tablet. Ngunit kung may edad na ang pasyente o matindi ang impeksyon na tumama, kailangang ipasok sa ospital ang pasyente para mabigyan ng antibiotic sa suero.
2. Pag-inom ng gamot sa ubo at lagnat, tulad ng carbocisteine capsule at paracetamol tablets.
3. Magpahinga at huwag muna pumasok sa trabaho.
4. Uminom ng 8 basong tubig para lumabnaw ang plema at bumaba ang lagnat.
5. Magpatingin sa doktor at sundin ang lahat ng payo niya.
Paano iiwas sa pulmonya?
1. Magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso. Ang pneumonia vaccine ay binibigay bawat 5 taon, at ang flu vaccine ay binibigay bawat taon. Ang mga taong edad 60 pataas ang kadalasang binibigyan nito.
2. Huwag manghawa ng iba. Maghugas ng kamay palagi. Idura ang plema sa tissue o lababo at hugasan ito. Huwag gaano makipag-usap sa ibang tao. At siyempre, itigil na ang paninigarilyo.
Payo ni Dr. Willie T. Ong
No comments