AN-AN
Ang an-an ay isang sakit sa balat na dulot ng impeksyong ng fungi kung saan makikitaan ng patse-patse sa balat na ang kulay ay iba kumpara sa natural na kulay ng balat. Ang mga patse-patse sa balat na kadalasan ay kulay puti ay maaaring makita sa mukha, likod, dibdib, leeg at mga braso. Sa terminolohiyang medikal, tinatawag itong tinea versicolor o pityriasis versicolor.
SINO ANG MAAARING MAGKAROON NG AN-AN?
Ang pagkakaroon ng an-an ay maaaring maranasan ng lahat, wala itong pinipiling edad o kasarian. Ngunit pinakamadalas ang mga kaso nito sa mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24 sapagkat eto ang edad na pinakaaktibo ang mga sebaceous glands sa balat.
PAANO NAGKAKAROON NG AN-AN?
Ang fungi na nagdudulot ng an-an ay natural na nakikita sa balat ng tao. Sa normal na kondisyon, hindi ito nakapagdudulot ng kahit na anong pagbabago sa balat. Ngunit kapag ito ay nawalan ng kontrol sa paglago, at nagsimulang magdulot ng impeksyon sa balat, magsisimula rin itong magdulot ng mga patse-patse sa balat. Ang kawalan ng kontrol sa paglago ng fungi ay maaaring dulot ng sobrang paglalangis ng balat (oily skin), mainit na klima, matinding pagpapawis, at kung may mahinang immune system ang katawan.
NAKAKAHAWA BA ANG AN-AN?
Salungat sa paniniwala ng karamihan, ang an-an ay hindi talaga nakakahawa. Ang fungi na nagdudulot nito ay natural na nakikita sa balat ng lahat ng tao at maaari lamang humantong sa pagiging an-an dahil sa mga salik na nabanggit gaya ng paglalangis ng balat, mainit na klima at mahinang immune system. Hindi totoo maipapasa ang an-an kung madidikit sa apektadong balat.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG AN-AN?
Ang pangunahing senyales ng an-an ay ang pagkakaroon ng mga patse sa balat na may naiibang kulay kaysa sa normal na balat. At kung minsan ay maaaring may kasama itong pangangati. Ang mga patse ay maaaring batik o kaya naman ay sumasakop sa malawak na bahagi ng balat at maaaring kulay puti, mamula-mula, o kulay brown, basta't naiiba sa karaniwang kulay ng balat. Ang pag-iiba ng kulay ng balat ay dahil sa "acidic bleaching effect" na dulot ng mga fungi.
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Magpakonsulta sa dermatologist o spesyalista sa balat kung hindi sigurado kung ano bang kondisyon ang nasa balat ng pasyente; at kung hindi tumatalab ang mga fungal cream laban sa an-an. Maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o kaya tableta na iniinom.
PAANO MALAMAN KUNG MAY AN-AN?
Ang an-an ay natutukoy ng isang dermatologist sa simpleng pagtingin lamang sa apektadong balat. Minsan, upang makasiguro, iniilawan ang balat gamit ang ultraviolet light. Kung ito nga ay an-an, lumitaw ang yellow-green na kulay sa apektadong balat. Upang mas lalo pang makasiguro, sinisilip din sa ilalim ng microscope ang sample na nakuha mula sa apektadong balat. Ang sample na nakuha sa balat ay maaari ding patakan ng potassium hydroxide upang masmalinaw na masilip sa microscope.
ANO ANG GAMOT SA AN-AN?
Ang gamutan sa balat na apektado ng an-an ay binubuo ng mga anti-fungal na pinapahid gaya ng ointment, cream o lotion, o kaya ay mga tableta na iniinom. Maaari din itong shampoo kung ang an-an ay nakakaapekto sa bahagi ng ulo at anit. Ang mga nabanggit na gamot ay kadalasang nabibili na over the counter sa mga butika at maaaring hindi na nangangailangan pa ng reseta ng doktor, ngunit mas mainam pa rin kung magagabayan ng dermatologist ang iyong paggagamot. Ang mga madalas na nireresetang gamot para sa an-an ay ketoconazole, clotrimazole, terbinafine. Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications. Magpagabay sa dermatologist sa wastong pag-inom ng mga gamot na ito.
PAANO MAKAIWAS SA AN-AN?
Dahil ang fungus na nagdudulot ng an-an ay natural na naninirahan sa balat, walang tiyak na paraan upang ito ay maiwasan. Kinakailangan lamang pahiran o uminom na gamot kontra sa an-an upang mapigilan itong kumalat at ang pabalik-balik na kaso nito. Narito ang ilang hakbang upang maiwasan ang pabalik-balik na na an-an:
Iwasan ang paggamit sa mga produktong sobrang malangis. Halimbawa ay mga fragrant oil essence.
Bawasan ang pagbibilad sa araw, ang sobrang pagbibilad ay maaaring magmitsa ng pagsisimula ng an-an, at lalo ring lilitaw ang kulay ng an-an kung masmaitim ang kulay ng balat na dulot ng pagsusunog sa ilalim ng araw.
Gumamit ng cream o lotion pangontra sa an-an bago lumabas ng bahay
Gumamit din ng maluluwag na damit upang makahinga ang balat at hindi madikit sa pawis.
No comments