ANG ALLERGY
Ang allergy ay ang kondisyon kung saan nagpapakita ng matinding reaksyon ang katawan mula sa mga bagay-bagay, gaya ng pollen ng halaman, balahibo ng hayop, mga substansya o gamot, at iba pa. Dito'y maaaring makaranas ng pamumula ng balat, pangangati, pamamaga, at pagsikip ng daluyan ng paghinga. Ang reaksyong ito ay dahil sa pagkilos ng immune system ng katawan upang labanan ang ilang ispesipikong bagay sa pag-aakalang makasasama ito sa katawan. Ang allergic reaction ay maaaring maranasan lamang ng iilan.
ANO ANG SANHI NG ALLERGY?
Ang immune system ng katawan ay ang responsable sa pakikipaglaban sa mga impeksyon ng bacteria, virus at iba pang bagay na maaaring makasama sa katawan. Sa pamamagitan ng mga ispesipikong antibodies na nililikha ng immune system, aktibong nalalaban ang mga nanghihimasok sa katawan. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang pagkilala ng immune system. Kapag may allergy, itinuturing ng immune system na makasasama ang isang ispesipikong bagay na nalanghap, nainom, nakain o nadikit sa balat kahit na hindi naman talaga. Ang antibodies ay maaaring maglabas ng substanysang histamine na siya namang nagdudulot ng mga kakaibang reaksyon sa katawan, na minsan ay nagiging grabe at maaring maging delikado sa buhay. Sinasabing ang pagkakaroon ng allergy ay namamana o nakukuha mula sa mga magulang.
ANU-ANO ANG MGA BAGAY NA MADALAS NA NAGDUDULOT NG ALLERGY?
Ang allergy ay maaaring dahil sa ilang mga bagay na nalalanghap, naiinom, nakakain o kaya ay nadidikit sa balat. Tinatawag ang mga ito na allergens. Ang mga karaniwang allergens ay ang sumusunod:
- Allergens na nalalanghap: Pollen ng halaman, alikabok, balahibo ng hayop
- Allergens na nakakain: seafood, mani, isda, gatas, o itlog
- Allergens sa mga gamot: Penicillin at iba pang antibiotics
- Allergens na nakaaapekto sa balat: kagat ng insekto, goma at iba pang artipisyal na materyal.
ANO ANG MGA KOMPLIKASYON NG ALLERGY?
Ang reaksyo ng katawan mula sa allergy ay depende sa bawat indibidwal. Maaaring katamtaman lang ang reaksyon na maaari namang pahupain sa loob ng ilang oras. Ngunit sa ibang pagkakataon, maaaring maglabas ng matinding reaksyon ang katawan na maaaring magdala ng panganib sa buhay. Ang grabeng reaksyon ng katawan dahil sa allergy ay tinatawag na anaphylaxis. Ang pagkakaroon ng allergy ay maaari din magdulot ng atake ng ibang karamdaman gaya ng hika, dermatitis o kaya ay allergic rhinitis.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG ALLERGY?
Ang mga sintomas ng allergy ay iba-iba, depende sa kung anong bagay ang nagdulot nito at anong bahagi ng katawan ang apektado. Maaring lumitaw ang mga sintomas sa balat o kaya naman sa daluyan ng paghinga. Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan para sa allergy dahil sa pagkakalanghap ng allergens:
- Pagbahing
- Pangangati ng ilong
- Pagbara ng ilong
- Pag-agos ng sipon
- Pagluluha at pamumula ng mga mata
Para naman sa mga allergy dahil sa mga bagay na nakain, narito ang ilan sa mga sintomas na maaaring maranasan:
- Pangangati ng bibig
- Pamamaga at pamumula ng labi at dila
- Paninikip ng daluyan ng paghinga
- Pangangati ng balat
- anaphylaxis, o grabeng reaksyon ng katawan
Kung ang allergy ay dulot ng kagat ng insekto o pagkakadikit ng balat sa isang allergen, maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
- Pamumula at pamamaga ng bahaging nakagat ng insekto o nadikit sa allergen
- Pangangati ng balat
- Pagpapantal-pantal ng balat
- hirap sa paghinga
- anaphylaxis
Maaari ding magkaroon ng allergy sa mga gamot na iniinom, at makaranas ng sumusunod na sintomas:
- Pagpapantal ng balat
- Pamumula
- Hirap sa paghinga
- Pamamaga ng mukha
- Pangangati ng balat
Kung minsan, ang allergy ay maaari ding magdulot ng grabeng reaksyon sa katawan o anaphylaxis. Dapat itong mabantayan sapagkat may posibilidad na manganib ang buhay dahil sa anaphylaxis. Ang sintomas ng grabeng reaksyon ng katawan ay ang sumusunod:
- Kawalan ng malay
- Hirap sa paghinga
- Pagbagsak ng presyon ng dugo
- Pagsusuka at pagliliyo
- Pagpapantal ng balat
KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?
Kinakailangan ang agarang pagpapatingin sa doktor kung naganap ang anaphylaxis o grabeng reaksyon ng katawan sa isang allergy. Maituturing itong isang medical emergency sapagkat kung hindi maaagapan, maaari itong makamatay. Para naman sa mga taong hindi sigurado kung may allergy, maaaring magpatingin sa doktor upang masuri at matukoy kung talagang nakakaranas ng allergy.
PAANO MALAMAN KUNG MAY ALLERGY?
Kadalasan, natutukoy ang pagkakaroon ng allergy sa simpleng interbyu sa isang pasyente. Dito'y tinatanong kung ano ang mga bagay na posibleng nakapagpasimula ng reaksyon, gayundin kung saan at kailan ito naranasan. Maaaring ding tanungin kung ano ang mga bagay huling ginawa o kinain o ininom sa nakalipas na ilang oras. Bukod dito, maaari din magsagawa ng ilang pagsusuri para matukoy ang pagkakaroon ng allergy:
Skin Test - tinuturok sa balat ang maliit na dami ng protina at babatayan kung magkakaroon ng allergic reaction sa balat gaya ng pagpapantal at pamumula ng balat.
Blood Test - dito'y kumukuha ng sample ng dugo at pag-aaralan sa laboratoryo upang matukoy kung pagkakaroon ng allergy sa ilang mga bagay.
ANO ANG GAMOT SA ALLERGY?
Sa ngayon ay wala pang gamot na makakapagpapaalis ng tuluyan sa allergy sa isang partikular na bagay, ang tanging mayroon lang ay mga gamot na maaaring makapagpahupa sa mga sintomas na maaaring maranasan. Ang mga gamot na ito ay maaring mabili ng over the counter sa mga butika, o kaya naman ay ireseta ng doktor. Ang gamutan ay depende rin sa kung anong reaksyon ang nararanasan, maaaring ito ay iniinom, pinapahid sa balat, pinapatak sa mata o tinuturok. Ang gamot na makatutulong sa pagpapabuti ng pakiramdam ay ang sumusunod:
- Antihistamine
- Decongestant
- Steroids
- Nasal allergy sprayPara naman sa mga grabeng sitwasyon at atake ng anaphylaxis, maaaring magbigay ang doktor ng epinephrine na tinuturok. Itinuturok ito upang pahupain ang sintomas habang dinadala sa ospital ang pasyente. Upang mas makatiyak, maaaring kumunsulta sa doktor at humingi ng payo para sa nararansang allergy.
PAANO MAKAIWAS SA ALLERGY?
Dahil ang pagkakaroon ng allergy ay kadalasang namamana mula sa magulang, walang malinaw na paraan para ito ay maiwasan. Ang tangi lamang magagawa ay ang pag-iwas sa mga bagay na nakapagdudulot ng allergic reaction sa katawan. Halimbawa, kung may allergy sa alikabok, makabubuti ang pagpapanatiling malinis ng kapaligiran. Kung may allergy naman sa balahibo ng hayop, makabubuti kung lalayo sa mga ito. Kung may allergy naman sa mga pagkain, makabubuting ipaalam sa magluluto ang pagkakaroon ng allergy sa isang partikular na pagkain upang makaiwas na mahainan ng pagkain na ito. Kung hindi naman, ay ugaliin magtanong kung ano ang mga sangkap sa kakaining pagkain. Gayundin sa mga gamot na iinumin. Ang pinakamabisang paraan sa pag-iwas sa allergy ay ang kalinangan sa mga bagay na magsasanhi nito sa katawan.
No comments