Breaking News

Payo sa Buntis at Di-Makabuntis



Isinulat ni: Dr. Willie T. Ong

Marami ang nanganganak sa Pilipinas. Maraming buntis ang hindi alam ang dapat gawin para pangalagaan ang kanilang anak. Heto ang tips para sa mga buntis at para sa kalalakihan din.






Para Sa Buntis:

1. Kailangan ng buntis ang 4 na sangkap sa katawan: calcium, iron, folic acid at protina. Kaya uminom ng 4 na basong gatas (low-fat milk) bawat araw. Kumain ng itlog, karne at atay para makakuha ng protina. Kumain din ng maberdeng gulay na mataas sa folic acid tulad ng kangkong, petsay, malunggay at talbos ng kamote.


2. Umiwas sa masyadong matatamis at baka kayo magka-diabetes.


3. Panatilihin ang tamang timbang. Masama ang sobrang taba at masama din ang payat na kulang sa sustansya.


4. Bawal manigarilyo at uminom ng alak. Kung hindi kayo titigil, puwedeng maging abnormal ang iyong beybi. Huwag nang tumikim ng alak.


5. Magbawas ng stress at problema. Maraming buntis ang nalulungkot kapag nakapanganak na. Ito ang tinatawag na post-partum depression. Kailangan ang pag-alaga at suporta ng lalaki para malampasan ito ng babae.


6. Huwag uminom basta-basta ng gamot dahil baka makasama ito sa bata. Magtanong muna at magpa-check up sa iyong OB na doktor. Multivitamins lang ang safe inumin.


7. Sa kababaihan, mas maigi na magbuntis kayo bago umabot ng edad 35. Kapag lampas na sa 35, tumataas na ang tsansa na magkakaroon ng Down’s syndrome (mongoloid) at iba pang sakit ang bata. Mag-ingat po.


Para sa Kalalakihan:


May mga payo ako para mapanatili ang dami at sigla ng semilya (sperm count) ng mga kalalakihan.


1. Huwag painitan ang iyong scrotum (itlog o bayag). Sa bayag nakatago ang semilya ng lalaki. Kapag nainitan ito, pwedeng mamatay ang semilya.


2. Kapag ika’y Jeepney Driver, lagyan ng makapal na kutson ang iyong upuan. Mag-ingat sa init ng makina at baka maluto ang iyong semilya.


3. Umiwas din sa matagalang pagbibisikleta. Puwede din kayo mabaog dahil laging naiipit ang iyong bayag.


4. Huwag magsuot ng masisikip na briefs. Para laging presko, mag-boxer shorts na lang.


5. Kumain ng keso. Ang keso ay may taglay na zinc na kailangan ng semilya. Nagpapalakas din ito ng sex drive.


6. Maghintay ng 3 o mas marami pang araw bago makipag-talik. Kailangan kasi munang makagawa ng maraming semilya ang katawan para malaki ang tsansang makabuntis ka. 



No comments