Breaking News

Carpal Tunnel Syndrome dulot ay pamamanhid


Isinulat ni: Dr. Willie Ong

Namamanhid ba ang palad ng iyong kamay? Kung ganoon, baka ika’y may Carpal Tunnel Syndrome.






Ang Carpal Tunnel Syndrome (CTS) ay isang sakit ng sobrang paggamit ng kamay, tulad ng mga computer worker, office worker, mahilig mag-type, waiter, karpentero, labandera at mananahi. Ang kababaihan ay mas nagkakaroon nitong sakit kumpara sa kalalakihan.


Ang dahilan ng pamamanhid ay ang pagkaipit ng isang ugat, ang Median Nerve, sa lugar ng ating wrist. Ang mga daliri natin ay may mga tendons o litid na tumitigas kapag ginagamit natin ang ating kamay. Kapag nasobrahan ang iyong paggamit ng kamay, namamaga ang mga litid na ito, at puwedeng maipit ang Median Nerve. Dahil dito, namamanhid ang palad.


Bukod sa mga tips na aking ibibigay, may mga paraan din ang mga surgeons para gamutin ang carpal tunnel syndrome. Kung malala na ay mayroong operasyon para luwagan ang daanan sa litid ng wrist.


Heto ang tips:


1. Ipahinga ang kamay. Bawasan ang pagta-trabaho sa computer at pananahi. Mag-break at ipahinga kada oras ang iyong kamay. Mas gamitin din ang kamay na hindi apektado. Alam kong kailangan ninyong kumita, pero baka naman lumala pa ang iyong Carpal Tunnel.


2. Bawasan ang lakas at puwersa ng kamay. Maghinay-hinay lang sa iyong paglalaba o pagkukuskus sa bahay. Kung ika’y may kinakalikot o binubuhat, huwag ilagay ang lahat ng bigat sa wrist. Gamitin ang buong balikat at braso sa pagbubuhat.



3. Huwag i-bend ang kamay. Kapag mali ang posture ng iyong kamay, puwedeng maipit ang median nerve. Dapat ay derecho palagi ang wrist kapag nag-ta-type.


4. I-ehersisyo ang kamay. May espesyal na ehersisyo para sa Carpal Tunnel. Itaas ang iyong mga kamay, at ikut-ikutin na parang may binibilog ka. Gamitin ang wrist sa pabilog na aksyon. Ang layunin nito ay mapaluwag muli ang daanan ng naipit na median nerve.


5. Itaas ang kamay habang nagpapahinga. Mas magandang nakataas ang iyong kamay sa upuan o sa iyong dibdib.


6. Ipatong ang kamay habang natutulog. Mahalaga po ito! Huwag ipatong ang kamay sa ilalim ng ulo habang natutulog. Baka maipit ang median nerve. Huwag ding hayaang nakalawit ang iyong kamay sa tabi ng kama. Ang tamang posisyon ay ang paglagay ng kamay sa ibabaw ng dibdib o ipatong ang kamay sa unan sa iyong tabi.


7. Puwedeng maglagay ng Splint o kalso sa kamay. Kumuha ng isang matigas at pahabang cardboard. I-tape ito sa ilalim ng iyong palad at wrist. Ang layunin nito ay para hindi mo mai-bend ang iyong kamay kapag natutulog.


8. Kapag namamaga at sumasakit ang kamay, lagyan ng ice pack.


9. Magbawas sa alat sa pagkain at magbawas din ng timbang. Ang asin ay nagpapadami ng tubig sa ating katawan. Dahil dito, puwedeng mamaga ang ating kamay at lalo lang maiipit ang median nerve.


11. Puwedeng uminom ng Vitamin B complex. Hindi pa ito tiyak, pero may posibilidad na may tulong ang vitamin B6 para sa mga ugat (nerves).


Para makasigurado kung ika’y may Carpal Tunnel, kumonsulta sa isang orthopedic surgeon na doktor.

No comments