Breaking News

BANGUNGOT




Ang bangungot ay isang karamdaman o kondisyon kung saan ang isa tao ay nagigising sa gabi, napapaungol, nananaginip ng masama, at may pakiramdam na parang may nakadagan sa dibdib at kung minsan ay humahantong sa biglaang pagkamatay. Gaya ng “pasma”, walang eksaktong katumas na kahulugan ang bangungot. Ang “nightmare” ay hindi sapat para mabigyang kahulugan ang salitang “bangungot”. Ngunit ayon kay Prop. Michael Tan ng UP, sa ating mga karatig-bansa, ang bangungot ay nararanasan din ng kanilang mga kalalakihan, kaya maaaring ang “bangungot” sa atin ay katumbas ng “lai tai” sa Thailand at “tsob tsuang” ng Vietnam.


SINO ANG MAAARING MAKARANAS NG BANGUNGOT?

Ang bangungot ay karaniwang nakakaapekto sa mga kalalakihan, lalo na sa mga binata o mga lalaki edad 17-30 na napalayo o malayo sa kanilang mga pamilya. Bagamat mas karaniwan sa mga lalaki, maaari ring bangungutin ang mga kababaihan.





BAKIT BINABANGUNGOT?

Ayon sa lumang paniniwala, ang bangungot ay maaaring maranasan kung matutulog kaagad matapos kumain ng marami, o uminom ng maraming alak o beer. Ngunit ayon naman sa modernong medisina, ang bangungot ay maaaring iugnay sa ilang mga kondisyon gaya ng “acute pancreatitis”, o mga sakit sa puso gaya ng “Brugada syndrome”. Ito ay isang sakit sa puso na napag-alamang karaniwang nangyayari lamang sa mga kalalakihang mula sa Asya. Sa ngayon, ang “Brugada syndrome” ay tinatanggap na ekplanasyon sa bangungot ngunit ito ay hindi parin tiyak. Sa iba pang katawagan, ang bangungot ay tinatawag ding “Sudden Unexpected Death Syndrome” (SUDS). Sa kabila ng iba’t ibang mga paliwanag, ang maaaring pinakamalapit sa katotohanan ay ang wika ni Prop. Tan, na ang bangungot ay sanhi ng hindi lamang iisang kondisyon; ito’y maaaring kombinasyon ng iba’t ibang kondisyon.




PAANO MALAMAN KUNG BINABANGUNGOT?

Dahil ang bangungot ay wala pang sapat na pag-aaral, walang tiyak na paraan para ito ay matukoy. Ngunit kung nararanasan ang mga sintomas gaya ng pag-ungol at hirap sa paghinga, dapat maging alerto ang mga kasama sa bahay upang agad na maitakbo sa ospital. Kung may suspetsa naman na nakakaranas ng bangungot, maaaring lumapit sa doktor at humingi ng payo ukol sa nararanasan. Ang kondisyong ito ay kadalasang natutukoy lamang sa pag-iinterbyu sa taong kasama sa pagtulog. Dito'y maaaring tanungin kung kailan at gaano kadalas napapansin ang mga sintomas ng bangungot. Kung ang impormasyon ay hindi sapat, maaaring patulugin sa isang klinika ang pasyenteng pinagsususpetsahan na nakakaranas ng bangunguot habang may nakakabit na mga aparato gaya ng ECG upang mabantayan ang takbo ng puso.


ANO ANG MGA SINTOMAS NG BANGUNGOT?

Ang taong binabangungot ay kadalasang nakakaranas ng isa o kombinasyon ng mga sumusunod na sintomas:

  • Madalas na nagigising sa gabi
  • Pag-ungol habang natutulog
  • Masamang mga panaginip
  • Hirap sa paghinga habang natutulog
  • Mabigat na pakiramdam na parang may nakadagan sa dibdib.

KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?

Ang bangungot ay maaaring ituring na isang “medical emergency” at dapat humingi kaagad ng tulong, o dalhin kaagad ang taong binabangungot sa ospital. Kung ang bangungot ay tunay ngang “Brugada syndrome”, kailangang makita ang tibok ng puso sa ECG at gamutin kung kinakailangan. Kung nahihirapan naman na makatulog o nakakaranas na ng insomnia dahil sa madalas bangungutin, bakabubuting magpatingin na sa dokor. Dito'y binibigyan ng mga payo, therapy o kaya ay gamot na makatutulong para manumbalik sa normal angpagtulog.


ANO ANG GAMOT SA BANGUNGOT?

Sapagkat ang bangungot ay wala pang sapat na pag-aaral, wala pang mga tiyak na patakaran na mairerekomenda kung paano ito malulunasan. Ngunit ayon sa matatanda, kapag ang isang tao ay binabangungot, dapat siyang gisingin kaagad para makawala sa bangungot. Dapat rin daw niyang subukang igalaw ang daliri o anumang bahagi ng kanyang katawan para makatakas sa bangungot. Bagaman walang pormal na patakaran, ang bangungot ay maaaring ituring na isang “medical emergency” at dapat humingi kaagad ng tulong, o dalhin kaagad ang taong binabangungot sa ospital. Kung ang bangungot ay tunay ngang “Brugada syndrome”, kailangang makita ang tibok ng puso sa ECG at gamutin kung kinakailangan.


PAANO MAKAIWAS SA BANGUNGOT?

Ayon pa rin sa mga matatanda, makakatulong daw sa pag-iwas sa bangungot kung iiwas sa pagkain ng marami o pag-inom ng sobrang alak bago matulog. Bagaman walang sapat na pag-aaral na makapagpapatunay sa mga paraan o paniniwala ng mga matatanda, ang mga ito ay suhestiyon lamang na maaari pa rin sundin. Kung ikaw ang binabangungot, magpatingin sa doktor para masiguradong wala kang ibang sakit na maaaring magkomplika sa bangungot. Siguraduhin ding madaling matutugunan ng doktor o ospital ang emergency kung sakaling ikaw ay bangungutin.

No comments