Breaking News

Diabetic Diet Tips na Para sa Sayo


IPINAKIKILALA ko po sa inyo si Dr. Iris Isip-Tan, isang tanyag na endocrinologist (espesyalita sa diabetes at goiter) mula sa UP-Philippine General Hospital. Gu­mawa si Dr. Iris ng isang Facebook page na may ngalang “Endocrine Witch.” Dito niya ibinabahagi ang kanyang kaalaman tungkol sa diabetes.




Heto ang ilan sa kanyang mga payo:


1. Nagugutom ka na ba talaga? O baka gusto mo lang ngumuya at kumain? Huwag agad buksan ang refrigerator. Uminom muna ng isang basong tubig.



2. Bawasan ang pagkain ng tsokolate o chocolate bar. Masarap ito pero ang 1 ounce ng tsokolate ay katumbas na ng 3 kutsaritang asukal.


3. Mahilig ka ba sa itlog? Huwag nang iprito ang itlog. Subukan ito pakuluan lamang (poached egg). Sosyal at masarap iyan.


4. Namnamin ang iyong kinakain. Nguyain ito nang mabagal. Tandaan: Mas maraming nakakakain ang ma­bilis kumain. Dahan-dahan lang kaibigan.


5. Huwag hintayin na ikaw ay gutom na gutom bago kumain. Dahil dito, huwag magpaliban ng almusal. Ku­main sa tamang oras para hindi mapadami ang iyong makakain. Isang kasabihan nga na walang hindi masarap sa taong gutom.


6. Gusto mo bang mabawasan ang iyong nakakain? May simpleng paraan para rito. Subukan kumain na gamit ang kaliwang kamay (kung ikaw ay right-handed) o kanang kamay (kung ikaw ay left-handed).


7. Mahilig ka bang mag-kape sa coffee shops. Umor­der lamang ng kape na may skim milk, walang whip cream at kalahating asukal o syrup lamang.


8. Huwag kumain sa harap ng telebisyon o computer. Malilibang ka at mapaparami ng kain.


9. Mahilig ka ba sa salad? Gumamit ng yogurt dressing o vinegar dressing dahil mababa ito sa calories. Huwag lagyan ng mayonnaise o Thousand island dressing dahil 10 doble ang taas ng calories nito (200 calories bawat 2 kutsara).


10. Ang pagkaing may asin at taba ay nakaka-addict. Ito ang sangkap ng mga potato chips, chicharon at iba pang sitsirya. Iwasan ang pagkain nito dahil masama sa kalusugan.

Isinulat nila: Dr. Willie T. Ong with Dr. Iris Isip-Tan

No comments