Breaking News

Mag Family Planning, at mag Contraceptives?

Nabibilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na bilang ng populasyon, . Sa nakalipas na taong 2014, lumampas sa 100 milyon ang bilang ng mga Pilipino. Kaya naman, hindi katakataka na naisabatas na sa wakas ang kontrobersyal na Reproductive Health Law na naglalayong kontrolin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng populasyon sa bansa. Isa sa mga mabubuting nilalaman ng mahalagang batas na ito ay ang pagtatalakay ng Family Planning sa mga Pilipino, lalo na sa mga naghihirap at patuloy na lumalaking pamilya.



Photo by Pinterest 

Ang Family Planning ay tumutukoy sa pagdedesisyon ng mag-asawa sa pagbuo ng kanilang pamilya. Dito’y maaaring pagplanuhan nila ang bilang ng kanilang magiging anak, pati na ang agwat sa pagitan ng kanilang magiging mga anak. Siyempre, malaki ang papel ng paggamit ng iba’t ibang pamamaraan upang mapigilan ang pagbubuntis (contraception) upang maisakatuparan ito.


BENEPISYO NG FAMILY PLANNING AT KONTRASEPSYON


Ang mabuting pagpaplano ng pamilya ay makatutulong hindi lamang sa ikabubuti ng kalagayan ng kababaihan kundi pati na rin sa pag-unlad ng kanyang pamilya. Kaya’t mahalaga na mabigyan ang mga magkapareha ng nararapat at ligtas na paraan ng kontrasepsyon. Narito ang mga benepisyong hatid ng mahusay at epektibong pagpaplano sa mga pamilya:


Mas mababang panganib sa kalusugan sa pagbubuntis ng mga kababaihan


Direktang makaaapekto sa kalusugan ng isang babae kung magkakaroon siya ng pagkakataon na pumili at magdesisyon kung kailan siya mabubuntis. Maiiwasan ang ‘di inaasahang pagbubuntis pati na ang padalos-dalos na desisyon ng delikadong pagpapalaglag ng bata.


Ayon pa sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng higit sa 4 na anak ay maaaring mangahulugan ng mas mataas na panganib sa kalusugan ng nagbubuntis na ina.


Mas mababang kamatayan ng mga sanggol


Sa Pilipinas, isa sa sampung pangunahing dahilan ng pagkamatay ay sa mga bagong silang na sanggol. Ang ganitong problema ay maaaring masolusyonan sa pamamagitan ng mahusay na pagpapalano sa pamilya. Ang paglalagay ng sapat na panahon sa pagitan ng pagbuo ng bawat anak ay makatutulong nang malaki sa pag-iwas sa kamatayan ng mga sanggol.


Pag-iwas sa pagkalat ng HIV/AIDS


Ang paggamit ng proteksyon sa pakikipagtalik ay malaking hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawang sakit na HIV/AIDS. Sa tulong nito, mas mapapababa ang bilang ng mga sanggol na ulila sa magulang at mga sanggol na apektado ng sakit.


Pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis


Ang mga kabataan ay likas na mapusok at handang subukan ang lahat ng bagay sa mundo maging ang pakikipagtalik. Bunga nito, nagkakaroon ng “teenage pregnancies” na hindi mabuti para sa kalusugan ng bata. Ang mga sanggol na isinilang ng mga batang ina ay kadalsang may mas mababang timbang at may mas mataas na panganib ng pagkamatay sa kapanganakan. Bukod pa rito, maaaring kailanganing ipagpaliban din ang pag-aaral ng batang ina, at maapektohan pa ang kalagayan niya sa lipunan.


Ang bilang ng populasyon ay nakaaapekto sa ekonomiya, kapaligiran, ang pangkabuuang pag-unlad ng isang bansa. At ang susi upang makontrol ang paglago ng populasyon ng isang bansa ay ang pagpapatupad ng mahusay na pagpaplano sa pagbuo ng mga pamilya.


Isinulat ni: Dr. Willie Ong

No comments