Habang Bata, turuan kumain nang tama
Nag-post: Marjun Gugulan
Isinulat ni: Dr. Willie Ong
Mahalagang turuan natin ang mga bata na kumain nang tama habang maliit pa sila. Dahil kapag may edad na sila ay mahirap nang baguhin ang kanilang kinaugalian. Halimbawa, kung hindi mo sila pakakainin nang masustansyang gulay ang bata, siguradong hindi na siya kakain nito sa pagtanda niya.
Heto ang payo ko sa mga bata:
1. Mag-almusal araw-araw. Kapag gutom ka sa umaga, aantukin ka at hindi ka makapag-aaral nang maigi.
2. Kumain ng gulay at prutas araw-araw. Depende sa edad ng bata, kumain ng 1 hanggang 2 tasang gulay at 1 hanggang 2 tasang prutas araw-araw. Ito ay para makamtan ninyo ang sapat na bitamina. Ayon sa survey, 3 sa bawat 5 Pilipino ay hindi kumakain ng sapat na gulay at prutas.
3. Uminom nang maraming gatas habang bata pa. Ang gatas ay may calcium, Vitamin B at protina na pampatangkad. Kapag matanda na tayo, hindi na gaano maa-absorb ng katawan ang calcium ng gatas.
4. Umiwas sa taba ng baboy at baka. Kainin lang ang laman at tapyasin ang taba sa karne. Kumain ng taba ng isda na may Omega-3 fatty acids para tumalino.
5. Sa meryenda, piliin ang mga puto, ginatan, mais, camote, mani at tinapay. Limitahan ang pagkain ng sitsirya o junk foods. Maalat lang ito at walang binibigay na sustansiya.
6. Uminom ng sapat na tubig, mga 6 hanggang 8 baso para hindi ma-dehydrate. Magbaon ng tubig sa eskuwelahan. Huwag masyado uminom ng softdrinks, iced tea at kape.
7. Maghugas ng kamay palagi. Maghugas bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo. Ito ay para makaiwas tayo sa sakit at bulate sa tiyan.
8. Mag-ehersisyo ng regular. Kapag lagi kang nag-eehersisyo, mas titigas ang iyong buto at lalakas ang muscle. Humanap ng kahihiligang sports.
9. Magsepilyo ng 3 beses sa maghapon. I-brush ang lahat ng ngipin lalo na ang mga nasa likod na ngipin tulad ng molars at premolars. Madali rin masira ang ngipin kapag mahilig tayo sa matatamis na pagkain.
10. Kumpletuhin ang tulog para maglabas ng growth hormone ang katawan. Matulog ng 8 hanggang 10 oras para tumangkad.
No comments