Breaking News

ABUKADO


HALAMANG GAMOT NA ABUKADO



Ang abukado ay isang karaniwang halaman na tumutubo sa mga bansang nasa rehiyong tropiko partikular sa kontinenteng Timog Amerika. Ngunit ito ay karaniwan na ring makikitang tumutubo sa Pilipinas. Ito ay pinakakilala dahil sa bunga nitong mabilog at pahaba na kulay lila kung hinog na may laman na kulay berde at nakakain. Kilalang-kilala rin ang bilugan na buto nito na nasa loob ng bunga.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

Balat ng kahoy (bark). Ang balat ng kahoy ay kadalasang pinapakuluan at iniinom nang parang tsaa. Maaari din itong dikdikin at ihalo sa langis bago ipahid sa balat.

Bunga. Maraming gamit ang maaring gawin sa bunga ng abukado. Ang laman nito ay maaaring kainin lamang o kaya ay durugin at gamitin bilang pampahid sa mga sugat at mga karamdaman sa balat.

Buto. Ang buto ay kadalasang dinidikdik, tinatadtad, at iniinom ang katas upang ipanggamot sa mga kondisyong nararanasan. Maaari ding itong gamitin bilang pampahid sa sugat at mga karamdaman sa balat. Maaari ding gamitin ang pinakuluang buto bilang pangmumog.
Dahon. Ang dahon ay madalas ding pinakukuluan at iniinom na parang tsaa.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ABUKADO?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang abukado ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Ang bunga ng abukado ay may taglay na langis at protina.

Ang dahon ay mayroon ding langis, methyl-chavicol, d-d-pinene, at paraffin. May taglay din itong isorhamnetin, luteolin, rutin, quercetin at apigenin.

Ang buto ng abukado ay mayaman sa saponins, tannins, flavonoids at alkaloids

ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG ABUKADO?

Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang abukado, ay ang sumusunod:

1. Pagkokombulsyon. May ilang mga pag-aaral na nagsasabing makatutulong ang katas ng dahon ng abukado bilang pangontra sa pagkokombulsyon at panginginig ng mga kalamnan sa mga bata.

2. Pagbaba ng asukal sa katawan (hypoglycemia). Ang katas ng dahon ng abukado ay maaari ring makatulong sa pagkontrol ng lebel ng asukal sa katawan.

3. Altapresyon. Ang mga katas ng dahon at buto ng abukado ay maaring inumin upang pabagsakin ang mataas na presyon ng dugo.

4. Mga tumor. Ang pagkakaroon ng mga tumor sa katawan ay maaari rin daw mapaliit o mabawasan sa tulong ng mga substansya na makukuha sa hilaw na bunga ng abukado.

5. Impeksyon ng bacteria. Ang ilang mga sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa katawan, gaya ng tuberculosis, ay maaaring mapagaling ng tuloy-tuloy na pag-inom ng katas ng dahon ng abukado.

6. Impeksyon ng fungi. Ang mga katas din ng dahon at balat ng kahoy ng abukado ay ginagamit na gamot laban sa ilang mga sakit na dulot ng impeksyon ng fungi. Maaari itong inumin o kaya ay ipahid mismo sa bahagi na apektado ng sakit.

7. Mga sugat. Ang kangis na nakukuha mula sa bunga ng abukado ay maaaring ipahid sa sugat upang mas mapabilis ang paghilom nito. Tumutulong din ang langis ng abukado para maiwasan ang pamamaga ng sugat.

8. Ulcer sa sikmura. Pinapababa ng pag-inom ng katas ng dahon ng abukado ang produksyon ng mga asido at likido sa sikmura upang mas mapabilis ang paghilom ng ulcer dito.

9. Pananakit ng ngipin. Maaring gamitin ang katas ng buto upang ipangmumog nang mawala ang pananakit ng ngipin. Maaari ring isiksik ang maliit na piraso ng buto sa butas sa ngipin upang mabawasan ang pananakit.

10. Sakit sa atay at bato. Ang katas ng dahon ay sinasabing may mabuting epekto sa paggaling ng mga karamdaman na nakaaapekto sa laman ng atay at bato.

Scientific name: Persea gratissima Gaertn., Persea americana Mill., Laurus persea Linn.
Common name: Abukado (Tagalog), Avocado (Ingles)

Paalala: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.

No comments