Breaking News

ACACIA


HALAMANG GAMOT NA ACACIA




Ang puno ng acacia ay kilalang tumutubo sa maraming lugar sa Pilipinas. Mula sa mga plaza at gilid ng kalsada, hanggang sa mga bakanteng lote at kagubatan. Ang puno ay mataas at malaki na may malalapad na mga sanga. Ang bulaklak ay kulay pink at hibla-bibla, habang ang bunga ay kahalintulad naman ng sampalok. Sinasabing orihinal itong nagmula sa rehiyong tropiko ng Amerika.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ACACIA?

Ang iba’t ibang bahagi ng acacia ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Ang balat ng kahoy at mga buto ng acacia ay mayroong pithecolobin. Mayaman din ito sa alkaloid.
Mayroon namang saponin at tannin ang mga dahon at mga tangkay.

Ang bunga ng halaman ay may taglay na starch at sugar, at kaunting albuminoid.

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Ang lahat ng bahagi ng halaman ay maaaring gamitin sa panggagamot.

Balat ng kahoy. Madalas ilaga ang balat ng kahoy at pinapainom sa may karamdaman.

Dahon. Ang dahon ay nilalaga din para magamit sa panggagamot.

Buto. Maaaring ipanguya o ilaga ang mga buto para makagamot.

Ugat. Maaari din ilaga ang mga ugat at gamitin sa panggagamot.

ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG ACACIA?

1. Pagtatae. Ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy lalo na ang malambot na loob nito ay makatutulong sa kondisyon ng pagtatae. Mabisa din ang pinaglagaan ng pinatuyong dahon ng halaman

2. Pananakit ng ulo. Mabisang panlunas din sa pananakit ng ulo ang pag-inom sa pinaglagaan ng balat ng kahoy.

3. Sore throat. Ang pag-nguya sa buto ng halaman ay mabisa para sa kondisyon ng sore throat.

4. Pananakit ng sikmura. Ginagamit na panlunas para sa pananakit ng sikmura ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng acacia.

5. Altapresyon. Ang pinagbabaran ng dahon ng acacia ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng mataas na presyon ng dugo.

6. Tuberculosis. Pinaniniwalaang mabisa para sa sakit na TB ang pag-inom sa katas ng dahon ng acacia.

7. Eczema. Mabisa din daw para sa implaamasyon sa balat ang paggamit sa pinaglagaan ng dahon ng halaman. Ipanghugas lamang sa apektadong balat ang pinaglagaan

Scientific name: Samanea saman (Jacq.) Merr.; Albizia saman (Jacq.) F. Muell.; Mimosa saman Jacq.
Common name: Acacia (Tagalog); Raid Tree (Ingles)

Paalala: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.

No comments