Breaking News

DI MAGANDANG KAUGALIAN NATING MGA PINOY




May mga bad habits ang iba nating kababayan na puwedeng maka-apekto sa haba ng buhay. Sana ay maiwasan niyo ang mga kaugaliang ito para na rin sa iyong kalusugan:

1. Malakas Uminom Ng Alak (Bawas 3 taon sa iyong buhay). Totoong may kaunting benepisyo ang red wine pero ang benepisyong ito ay nanggagaling sa ubas at hindi sa alak. Ang alkohol mismo ay walang benepisyo sa katawan. Sa katunayan, nagdudulot ang alkohol ng mga sakit tulad ng sakit sa atay, kanser sa atay, ulcer, sakit sa utak, pagkaulyanin at marami pang iba. Sa mga hindi umiinom ng alak, huwag niyo nang subukan ito.

2. Mahilig Sa Hindi Healthy Na Pagkain (Bawas 4 taon). Ito ang 3 pagkain na dapat ingatan: taba, asukal at asin. Ang sobrang pagkain nito ay puwedeng magdulot ng sakit sa puso, diabetes at high blood pressure. Iwasan ang taba mula sa karneng baboy at baka. Limitahan din ang pagkain ng butter, margarine, cake at mantika. Hinay-hinay din sa pag-inom ng matatamis na soft drinks, iced tea at mga juices. Mas masustansya pa rin ang gulay at prutas tulad ng saging, carrots, kamatis at mansanas. 




3. Ayaw Magpatingin Sa Doktor (Bawas 4 taon). Kapag lagi kang umiiwas sa doktor, posibleng mahuli tayo sa pag-diskubre ng iyong sakit. Lahat ng tao ay magkakasakit. Ngunit kung maaga natin ito malalaman, magagawan pa natin ito ng lunas. Magpa-check up bawat taon kung ikaw ay edad 40 pataas. Kung may lahi kayo ng sakit sa puso, diabetes, kanser o high blood, magpa-check up din ng maaga. 

4. Sumasali Sa Extreme Sports (Bawas 4 taon). Ayon sa isang survey sa Australia, ang pinakadelikadong sports ay ang horse riding, power boating at motorcycle. Sa America, ang mga football players, boxers at wrestlers ang may pinakamaraming sakuna. Hindi pa natin pinag-uusapan dito ang mountain climbing, hang gliding, at parachuting. Gamitin natin ang ating pag-iisip. Iwas panganib, para humaba ang buhay. 




5. Pabago-bago Ang Diyeta At Pagpapapayat (Bawas 5 taon). “Everything in moderation,” ang sabi ng doktor. Ang pabago-bago sa diyeta (iyung tinatawag na crash diet at yoyo diet) ay masama sa ating kalusugan. Nahihirapan ang ating katawan sa biglang pagpapapayat. Huwag din uminom ng mga diet pills dahil posibleng makasira ito sa ating puso. Mag-diyeta sa normal na paraan. Bawasan ang dami ng kinakain tulad ng kanin, ulam at matatamis na inumin. Magbawas ng 1 o 2 pounds lamang bawat linggo.


Isinulat ni: Dr. Willie Ong

No comments