Breaking News

SOBRANG ASUKAL SA PAGKAIN DULOT AY MASASAMANG EPEKTO

Ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa matatamis na pagkin. Hindi lilipas ang isang araw nang walang kinakaing matamis ang isang Pilipino—nariyan ang taho na puno ng arnibal, kape na binudburan ng asukal, ulam na tocino at longanisa na matamis din, may meryenda pang banana cue, halo-halo, fishball na may matamis na sawsawan. Marahil, talagang bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagnanais sa mga pagkain o inumin na matamis.



Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang sobrang asukal sa pang-araw-araw na kinakain ay may masasamang epekto sa kalusugan. Maraming pag-aaral na ang nakapagsabing ang sobrang asukal ay maaaring pag-ugatan ng iba’t ibang karamdaman. Kaya naman, kung ang hilig na ito ay mapapabayaan, ang sarap na nararanasan ay hindi malayong mapalitan ng pait kapag nagsimula nang lumitaw ang mga sintomas ng sakit.


1. Pagkasira ng ngipin


Ang pagkasira ng ngipin ay problemang kinakaharap hindi lamang ng mga batang Pilipino, kundi pati na rin ng maraming mga Pilipino na nasa hustong edad. Ito ay dahil sa hindi nawawalang hilig sa pagkain ng matatamis. Ang pagkasira ng ngipin ay dulot ng mga bacteria na natural na naninirahan sa bibig at nanginginain sa mga maliliit na piraso ng pagkain na naiwan sa pagitan ng mga ngipin. At ang paboritong pagkain ng mga bacteria sa bibig ay ang asukal. Basahin ang mga alternatibong paraan ng pagbibigay lunas sa nananakit ng ngipin.





2. Pagkasira ng atay


Bago maintindihan ang koneksyon ng sobrang asukal sa kalusugan ng atay, dapat ay malaman muna ang proseso ng pagtunaw dito at ang mahalagang papel na ginagampanan ng atay.


Ang asukal na kinain at pumapasok sa tiyan ay unang nahahati bilang glucose at fructose. Ang glucose ang siyang nagpapatuloy sa proseso ng metabolismo upang magamit bilang enerhiya, habang ang fructose naman ay hindi pa maaaring pakinabangan ng katawan. Dahil dito, ang mga fructose ay napupunta sa atay at sasailalim pa sa karagdagang proseso upang maging glycogen. Ang fructose na naging glycogen ay naiimbak sa atay at nagsisilbing reserbang enerhiya.


Sa kasamaang palad, ang kakayanan ng atay na mag-imbak ng glycogen ay limitado. Kapag sobra na ang asukal at fructose na pumapasok sa katawan, at wala nang lugar para sa mga bagong glycogen, ang sobrang fructose ay nagiging taba o fats imbes na glycogen. Ang pagkakaroon ng matabang atay ang isa sa pangunahing sanhi ng pagkasira nito.


3. Karagdagang timbang (obesity)


Hindi na bago sa kaalaman ng marami na ang pagkain ng matamis ay nakadaragdag ng timbang ng katawan. Ang sobrang asukal kasi ay nagiging taba at naiimbak, hindi lamang sa atay, kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng katawan. At kapag ang tabang ito ay hindi nagamit ng katawan, maaaring lumobo ang sukat at magkaroon ng sobrang timbang.


4. Diabetes

Isa pang masamang epekto na maaaring idulot ng sobrang asukal sa katawan ay ang pagkakaroon ng sakit na diabetes, isang nakamamatay na uri ng sakit na nakakaapekto sa pagkontrol ng lebel ng asukal sa dugo ng tao. Ang isang tao kasi na kumokonsumo ng sobrang matatamis na inumin at pagkain sa mahabang panahon ay maaaring magkaroon ng resistensya sa insulin. Ang insulin ay isang uri ng hormone na mahalaga para masipsip ng mga cells ang asukal at magamit bilang enerhiya.


Kung ang proseso ng pagsisipsip ng mga cells sa asukal ay mapipigilan dahil sa resistensya sa insulin, maapektohan din nang husto ang normal na mga proseso sa katawan. Ito ang sakit na diabetes.


5. Pagrupok ng mga buto


Isang pag-aaral na nailathala sa Nutrition Reviews noong June 2008 ang nagsasabing nakaka-kontribyut sa pagrupok ng mga buto ang sobrang asukal sa katawan. Ito ay maaaring konektado pa rin sa pagkakaroon ng resistensya ng katawan sa insulin dahil sa matagal na panahon ng pagkonsumo sa sobrang asukal. Kung mapapabayaan, tataas nang husto ang panganib ng pagkabali ng buto at pagkabaldado.


6. Kanser


Ang kanser ay isang sakit na kilala sa pagkakaroon ng mga mabilis at hindi kontroladong pagdami ng mga cells sa katawan. Ang mga cells na ito ay nagiging bukol o tumor at nakakaapekto sa maayos na paggana ng katawan. Maraming pag-aaral ang nagsasabing mas tumataas ang panganib ng pagkakaroon ng kanser kung laging mataas ang lebel ng asukal sa katawan.


7. Pagtaas ng nakakasamang cholesterol sa katawan


May isa ring pag-aaral na nailathala sa “The Journal of the American Medical Association” noong April 2010 ang nagsasabing kayang pabagsakin ng sobrang asukal sa katawan ang lebel ng high-density lipoproteins o good cholesterol habang naiiwang mataas naman ang low-density lipoprotein o bad cholesterol. Ang pagiging mataas ng nakakasamang cholesterol sa katawan ang siyang nakaka-kontribyut sa paglala ng mga karamdaman sa puso at pagtaas ng presyon ng dugo.


source: kalusugan.ph


No comments