ANU ANG MGA URI AT SANHI NG STROKE?
Ang stroke ay ang kondisyon kung saan nahaharang o nalilimitahan ang maayos na suplay ng dugo sa utak dahil sa ilang mga kadahilanan. Bunga nito, ang indibidwal ay nahihirapang kontrolin ang kanyang mga galaw, pananalita, pag-iisip, at ilang mga paggana sa katawan. Maaari ding maapektohan ang kamalayan ng taong dumaranas ng strok at humantong sa pagkaka-coma.
GAANO KALAGANAP ANG STROKE SA PILIPINAS?
Ang stroke ay ang pangalawa sa mga nangungunang dahilan ng kamatayan sa Pilipinas. Isa rin ito sa mga pangunahing dahilan ng pagkabaldado ng mga mga matatanda. Tinatayang nakaaapekto ito sa humigit kumulang 10% ng populasyon ng bansa.
ANO ANG IBA’T IBANG URI NG STROKE?
Mayroong iba’t ibang uri ng stroke na nakaapekto sa tao depende sa paraan ng pagkakabara o pagkakapigil ng maayos na daloy ng suplay ng dugo sa utak. Kabilang dito ang sumusunod:
Pamumuo ng dugo sa ugat malapit sa utak (ischemic stroke). Ang pinakakaraniwang uri ng stroke ay ang pagbabara ng ugat sa utak dahil sa namuong dugo. Ang pamumuo ng dugo ay kadalasang nagaganap dahil sa paninikip ng daluyan dahil sa naiipong cholesterol sa mga pader ng ugat.
Pagbabara ng namuong dugo mula sa ibang bahagi ng katawan papunta sa utak (transient ischemic attack). Ang kondisyong ito ay nagaganap kung sakaling may namuong dugo sa ibang bahagi ng katawan ay dumaloy ito patungo sa mga ugat malapit sa utak at nagsimulang magbara.
Pagputok ng ugat sa utak (hemorrhagic stroke). Ang pagputok ng ugat sa utak ay nakapagdudulot din ng paghinto sa tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa utak. Kadalasang nagaganap ang pagputok ng ugat dahil sa nanghinang pader nito dulot ng madalas na altapresyon.
ANO ANG SANHI NG STROKE?
Ang iba’t ibang uri ng stroke ay dulot ng ilang mga karamdaman at kondisyon na nararanasan sa haba ng panahon. Halimbawa, ang pagbara ng ugat sa utak dahil sa mga namuong dugo ay konektado sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng cholesterol at iba pang substansya sa dugo na naiipon at naninigas sa mga pader ng ugat at nakapagpapasikip sa daloy ng dugo. Ang kondisyon ng paninikip na ito ay tinatawag na atherosclerosis.
Ang iregular na pagtibok ng puso naman ang pangunahing dahilan ng pamumuo ng dugo sa ibang bahagi ng katawan na maaaring mapunta sa mga ugat sa utak at magdulot ng pagbabara.
Nakapagpapataas naman ng panganib ng pagputok ng ugat sa utak ang madalas at matagal na pagkakaranas ng altapresyon o ang pagtaas ng presyon ng dugo. Dahil dito, maaaring humina ang mga pader ng ugat at saka naman hahantong sa pagputok nito.
SINO ANG MAY MATAAS NA PANGANIB NA MA-STROKE?
May ilang salik ang nakapagpapataas ng panganib ng pagkakaranas ng stroke, at ito ay kadalasang konektado sa kalidad ng pamumuhay na nakasanayan. Kabilang dito ang sumusunod:
Mga taong may sobrang timbang (obese)
Kakulangan ng aktibidad sa araw-araw
Sobra-sobrang pag-inom ng alak
Paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot gaya ng cocaine at shabu
Sobrang paninigarilyo
Altapresyon
Mataas na lebel ng cholesterol sa katawan
Diabetes
Abnormalidad at mga kondisyon na nakaaapekto sa daloy ng dugo at paggana ng puso
Nakaaapekto rin sa pagkakaranas ng stroke ang edad, kasaysayan ng stroke sa pamilya, at kasarian.
ANO ANG MAAARING KOMPLIKASYON NG STROKE?
Ang mga taong dumanas ng stroke ay maaaring makaranas ng sumusunod na komplikasyon:
Pagiging paralisado.
Hirap sa pananalita
Hirap sa paglunok
Hirap sa pagmemorya
Pagiging malilimutin
Depresyon
Kawalan ng abilidad na makadama ng maayos
Pagbabago sa pag-uugali
source: kalusugan.ph
No comments