Breaking News

Tigyawat o Pimples

Mga kaalaman tungkol sa Tigyawat o Pimples (Acne)

Tigidig. Pimples. Tigyawat. Sabi nila, pag nagbibinata o nagdadalaga na, normal lamang na tumubo ang mga pulang butlig o kaya mga itim na tuldok-tuldok sa mukha. Ngunit mayroon rin namang lagpas na sa kabanatang pagbibinata o pagdadalaga pero mayroon pa ring pimples. Marami na ring haka-haka ang kaugnay sa pagtubo ng mga pimples. May mga nagsasabing may kinalaman daw ito sa pagkain ng mga mamantikang pagkain o ang labis na pagkahilig sa tsokolate. Ano nga ba ang dahilan kung bakit nagkakatagihawat?Layers of the SkinUna, kailangang busisiin kung ano nga ba ang mayroon sa ating balat. Ang ating balat ay mayroong mga maliliit na butas o “pores” na tinatawag. Kaakibat ng bawat butas ay mga buhok na kalimitang manipis at maliliit ang tubo. Hair follicles ang tawag sa dulo ng buhok na nasa loob ng balat. Malapit sa hair follicles ang pinanggagalingan ng langis o “oil”. Sa normal na sitwasyon, hindi masama ang paggawa ng langis dahil ito ang dahilan kung bakit hindi natutuyot ang ating balat. Nagbibigay proteksyon rin ito na tila isang manipis na pananggalang sa mga elemento gaya ng gabok, araw, o mikrobyo. Pag sobra ang produksyon ng langis ng ating balat, madalas natin itong ilarawan na “shiny” o “oily”. Ang sobrang produksyon ng langis at ang hindi regular na pagpapalit balat o “exfoliation” ang kalimitang sanhi ng pagbabara ng pores. Kapag pinagsama ang pawis, dumi, at sobrang langis, maaaring tubuan ito ng mikrobyong sanhi ng pimples, ang Propionibacterium acnes o mas tinatawag na P. acne. Acne ang pangkalahatang medical na tawag sa karaniwang tagihawat.Mga halimbawa ng acne (tagihawat)Mga Kalimitang Uri ng Acne:

  • Closed comedones — mas kilala ito sa tawag na “white heads”
  • Open comedones — kilala sa tawag na “black heads”
  • Pustules — tagihawat na namumula at may nana
Ang pagkakaroon ng tagihwat ay mas mataas sa mga kabataang nakararanas ng puberty. Dahil ito sa mas mataas na lebel ng hormones sa katawan gaya ng testosterone sa kalalakihan. Gayundin ang sa mga kababaihan na sa unang pagkakataon ay nagkakaroon ng menstruation o buwanang dalaw. Bukod pa rito,  ang tagihawat ay maaring mairita at lalong lumala kung mapabayaan. Ilan sa mga bagay na nakaka-kontribyut sa paglala ng tagihawat ay ang sumusunod:

  • Nakaiirita sa balat ang pagsusuot ng masisikip na damit gaya ng bra, turtle neck, helmet at headband.
  • Ang paggamit ng mga produkto sa buhok at balat gaya ng mga kolorete o make-up, at hairspray na may mga kemikal ay nakapagpapalala din ng tagihawat.
  • Ang madalas na paghugas ng mukha at madiin na pagkuskos ng balat gamit ang matatapang sabon ay maaring makairita sa tagihawat.
  • Matinding pagpapawis.
  • Pagdampi ng buhok sa mukha.
  • Madalas na paghawak sa mukha.
  • Pagkaranas ng stress.

PAANO MALALAMAN KUNG MAYROONG MALALANG KASO NG TIGYAWAT O PIMPLES (ACNE)?

Ang pagkakaroon ng tigyawat sa balat madali lamang mapansin at kadalasa'y hindi na nangangailangan ng konsultasyon sa doktor. Ngunit kung ang kondisiyon ng iyong tagyawat ay nakababahala na, maaring lumapit sa isang dermatologist o spesyalista sa balat upang humingi ng payo. Ang ilan sa mga nakababahalang kaso ng tagihawat ay ang sumusunod:

  • Ang tigyawat ay tumagal na ng 3 buwan o higit pa at walang senyales ng paghupa kahit pa ginamitan na ginagamot na ito sa bahay.
  • Matinding pagsusugat at pagpepeklat.
  • Malalaki at matitigas ang tigyawat at may laman sa loob.
  • Pagkakaroon ng iba pang sintomas gaya ng pagtubo ng buhok sa mukha sa kababaihan.
  • Pagkakaroon ng tigyawat kasabay ng paginom ng gamot.
  • Pagkakaroon ng tigyawat matapos madikitan ng kemikal o substance na nakairita sa balat.

ANO ANG MGA SINTOMAS NG TIGYAWAT O PIMPLES (ACNE)?

Kadalasan, ang tagihawat ay makikitang tumutubo sa bahagi ng mukha, leeg, balikat, dibdib at likod. At kung mapapabayaan, ang pamamayagpag ng tagihawat ay maaring lumalawak at magtagal ng isang buwan, at kung minsan ay isang taon. Sa mga malalalang kaso naman, maaring magdulot ng malalim na sugat at mag-iwan ng peklat sa balat. Kaakibat nito, maaaring bumababa ang kumpyansa sa sarili at magdulot din ng depression.  

PAANO MAKAIWAS SA TIGYAWAT O PIMPLES (ACNE)?

Minsan, hindi maiiwasan ang pasulpot-sulpot na pimple sa ating mukha. Normal lamang ito. May ilang mga payo upang maiwasan ang pagkakaroon o paglala ng mga pimples.

  1. Itali ang buhok. Iwasan ang paglugay ng buhok na maaring may kemikal (gel, mousse, pomade) at alikabok.
  2. Iwasan ang paglagay ng make up hanggat maaari o gumamit lamang ng non-comedogenic o make up na aprubado ng dermatologist.
  3. Huwag ugaliin ang pangangalumbaba o ang pagdiin ng kahit anong bagay o parte ng katawan sa mukha.
  4. Gumamit lamang ng “mild soap” o sabon na minimal lamang ang nakakairitang kemikal na sangkap.
  5. Huwag kutkutin o putukin ang mga pimples dahil maari itong magpeklat o maging sanhi ng impeksyon.
  6. Komunsulta sa doktor bago gumamit ng mga gamot sa balat dahil may ilang over-the-counter products na maaring makasama sa inyong balat kung mali ang pagkakagamit. At dahil mikrobyo ang P. acne, maaring mangailangan itong gamutin ng antibiotiko ngunit kailangang sundin lamang ang payo ng doktor upang hindi magkaroon ng “antibiotic resistance”.
  7. Kumain ng mga masusustansyang pagkain lalo na mga prutas at gulay na sagana sa Vitamin C.
  8. Itigil ang paninigarilyo.
  9. Iwasan ang stress.

ANO ANG GAMOT SA TIGYAWAT O PIMPLES (ACNE)?

Ang gamutan sa tagihawat ay nakadepende sa kung gaano kalala ang kaso nito. Kadalasan ang gamot ay ipinapahid gaya ng gel o lotion, ngunit mayroon din namang mga gamot na iniinom o oral medicines. Sa mga hindi malalang kaso ng pimple, kaya nang gamutin sa bahay gamit ang benzoyl peroxide o salisylic acid. Pinapahid ang mga ito sa apektadong bahagi ng balat. Ang paghuhugas sa mukha gamit ang banayad na sabon may makakatulong din. Kung ang tagihawat naman ay malala, tumatagal at nakapagdudulot na ng sugat, kinakailangan nang magpatingin sa doctor. Ang kadalasang binibigay na gamot ay antibiotics na maaring pinapahid o iniinom. Epektibo din ang azelaic acid. Ang dermatologist ay may ilan ding isinasagawang treatment upang matigil ang pagdami ng tagihawat.

No comments