Breaking News

AMOEBIASIS




Ang amoebiasis ay ang sakit na tumutukoy sa impeksyon ng organismong Entamoeba histolytica sa bituka ng tao. Ang taong may sakit na ito ay maaring makaranas ng matinding pagtatae na minsan ay may kasamang dugo. Kung mapapabayaan, maaari itong magdulot ng ulcer at malnutrisyon sa kabataan.


GAANO KALAGANAP ANG AMOEBIASIS?

Ang sakit na ito ay karaniwan sa buong mundo, ngunit pinakamataas sa mga lugar na kabilang sa third world countries. No0ng taong 2010, ito ang tinuturong dahilan ng kamatayan ng higit 55,000 na tao sa mundo.


ANO ANG SANHI NG AMOEBIASIS?

Ang amoebiasis ay dulot ng impeksyon ng ilang uri ng amoeba, isang maliit na organismo na may iisang cell lamang. Ang pinakaraniwang nakapagdudulot ng sakit ay ang Entamoeba histolytica. Ang mga organismong ito ay maaaring makuha kapag nakakain o naka-inom ng maruruming pagkain o inumin na kontaminado ng itlog ng amoeba. Sa oras na makapasok ang organismo sa bituka at magsimula itong manirahan dito, maaaring nitong makaapektohan ang mga pader ng bituka at magdulot ng disenterya o pagtatae. Ngunit minsan, maaari rin naman na manatili lamang ito sa bituka ng ilang taon na walang dinudulot na kahit na anong karamdaman.


SINO ANG MAAARING MAGKASAKIT NG AMOEBIASIS?

Ang mga taong naninirahan sa mahihirap na bansa na may problema sa kalinisan ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng sakit. Gayundin ang mga taong naninirahan sa mga instituyon gaya ng ampunan at ospital na may problema din sa kalinisan. Mataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit sa mga taong nagsasagawa ng anal at oral sex.


ANO ANG MAAARING KOMPLIKASYON NG SAKIT NA AMOEBIASIS?

Kung mapapabayaan ang sakit na amoebiasis, maaari itong magdulot ng ulcer o pagsusugat sa mga pader ng bituka. May posibilidad din na makalabas sa bituka ang amoeba at magtungo sa ibang bahagi ng katawan gaya ng atay at daluyan ng ihi. 


ANO ANG MGA SINTOMAS NG AMOEBIASIS?

Sinasabing 1 lamang sa bawat 10 tao na may impeksyon ng amoeba sa katawan ang nakakaranas ng mga sintomas at pagkakasakit ng amoebiasis. At ang pagkakaranas nito ay tinuturing na seryosong karamdaman. Ang taong may amoebiasis ay maaaring makaranas ng sumusunod na sintomas:

  • Pagtatae o diarrhea
  • Pananakit ng tiyan
  • Dugo sa dumi
  • Madulas na likido (mucus) sa dumi
  • Minsan ay lagnat

KAILAN DAPAT MAGPATINGIN SA DOKTOR?

Ang taong nakakaranas ng pagtatae na tumatagal at kung minsan ay may kasamang dugo ay dapat na magpatingin sa doktor. Ang tuloy-tuloy na pagtatae na dulot ng amoebiasis ay maaaring humantong sa matinding kawalan ng tubig sa katawan o dehydration at mag-sanhi ng kamatayan.


PAANO MALAMAN KUNG MAY AMOEBIASIS?

Para matukoy ang pagkakaroon ng impeksyon ng amoeba, sinusuri ang stool sample o dumi ng taong nakakaranas ng disenterya o pagtatae at sinisilip sa ilalim ng microscope. Dito'y hinahanap ang cyst o itlog ng organismo na hindi naman madaling makita at hindi rin madalas lumalabas sa pagdumi. Dahil dito'y humihingi ng 3 hanggang 5 sample ng dumi mula sa pasyente na inilabas sa iba't ibang araw. Bukod pa dito, maaari din magsagawa ng blood tests kung sinususpetsahan na umatake na sa mga pader ng bituka o lumabas na ang amoeba mula sa bituka at nakaabot na sa ibang bahagi ng katawan gaya ng atay.


ANO ANG GAMOT SA AMOEBIASIS?

Ang pag-inom ng antibiotic o anti-amoeba na gamot na ni-reseta ng doktor ang tanging paraan para magamot ang pagkakaroon ng impeksyon ng amoeba sa bituka. Depende rin ito sa kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan. Maaring painumin ng isang gamot lamang, o kaya naman gawing dalawa kung matindi ang sintomas na nararanasan. Ang mga gamot na kadalasang binibigay ay metronidazole, tinidazole at paromomycin.



PAANO MAKAIWAS SA AMOEBIASIS?

Malaki ang maitutulong ng pagiging malinis sa katawan at pagiging maingat sa mga pagkain at inumin na kakainin sa pag-iwas sa pagkakaroon ng amoebiasis. Ang ilan sa mga hakbang na maaaring sundin ay ang sumusunod:

  1. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago kumainat pagkatapos gumamit ng palikuran.
  2. Umiwas sa pag-inom ng tubig-gripo na hindi napakuluan at nasala
  3. Maging maingat din sa pag-inom ng tubig sa mga ilog o sapa kung sakaling magka-camping sa kagubatan. Salain ito o pakuluan ng isang minuto.
  4. Huwag din basta-basta uminom ng gatas na hindi napakuluan
  5. Umiwas sa pagkain ng mga pagkain na nabibili sa lansangan (street food)

No comments