Breaking News

Alzheimer’s Disease







Ang Alzheimer's Disease ay isang karamdaman na nagdudulot sa pagiging malimutin, pagkalito, pagbabago ng ugali, at ibang sintomas, at kung lumala pa, ito'y nagdudulot din na kawalan ng kontrol sa katawan. Sa pangkasalukuyan, wala pang natutuklasan na lunas sa Alzheimer's, bagamat may mga iba't ibang gamot na inaaral para dito. Ang pinaka-solusyon sa Alzheimer's ay pag-aalaga at pag-aaruga, sapagkat mabigat ang pangangailangan ng isang may karamdamang ganito. Ito'y karaniwang nangyayari sa mga nakakatanda. Dahil dito, maraming naniniwala na ito'y katumbas na tinatawag natin na "ulyanin". Subalit, hindi lahat ng tinatawag na "ulyanin" ay may Alzheimer's. Ang pagiging ulyanin ay maaaring dulot ng katandaan bilang isang natural na kaganapan, at mga pagkakaron ng stroke ay isa ring maaaring sanhi nito - isang kondisyo na tinatawag na "vascular dementia". Ang sanhi ng Alzheimer's ay hindi pa lubos na naipapaliwanag. Wala paring lubos na maiugnay na mga maaaring konektado dito; karamihan ng mga kaso ng Alzheimer's ay wala sa lahi at hindi masasabing "nasa dugo" o "nasa pamilya".



ANO ANG MGA SINTOMAS NG ALZHEIMER'S DISEASE?


Ang pinaka-karaniwang sintomas ng Alzheimer's Disease ay ang pagiging malilimutin, o panghihina na memorya at ibang pagbabago sa pag-iisip at pag-uugali na lumalala habang tumatagal, at kapag malala na ay nakakaapekto narin sa pisikal na katawan. Sa umpisa: May konting pagbabago sa pag-iisip na pag-uugali, katulad ng pagiging malilimutin, lalo na sa mga kaganapan at pangyayaring katatapos lamang, at kawalan ng konsentrasyon sa ginagawa o iniisip. Habang tumatagal: Mas lalong lumalala ang pagiging malilimutin; nahihrapang makapag-usap sa mga tao dahil sa kakulangan ng mga salita. Kawalan ng abilidad na mabuhay nang mag-isa; pagkakaroon ng pangangailangang alalayan sa iba't ibang gawain. Sa antas na ito, nagkakaroon rin ng mga matinding pagbabago sa personalidad. Maaaring magkaroon ng mga "mood swings" o biglaang pag-iiba na ugali, o di kaya pagiging magalitin o bugnutin. Kapag malala na: Halos hindi na makausap, at hindi narin makaintindi; buong-buo nang nakasalaysay sa mga nag-aalaga, ang katawan ay lumiliit dahil hindi na nagagamit ang mga masel. Hindi na makalakad, at nasa kama na lamang. Ang mga sintomas na ito ay itinuturing na senyales na "terminal" na ang karamdaman, at malapit nang mauwi sa tuluyang pagkamatay.


PAANO MALAMAN KUNG MAY ALZHEIMER'S DISEASE?


Sa pangkasalukuyan, ang pagsusuri sa Alzheimer's Disease ay binubuo ng masuring pag-aaral ng kasaysayan ng pasyente at mga obserbasyon ng doktor sa kilos, pagsasalita, at pag-iisip ng pasyente. Ang mga diagnostic test gaya ng Magnetic Resonance Imaging (MRI) ay maaaring gamitin upang tiyaking walang ibang sanhi ang mga sintomas ng pasyente, subalit hindi ko kailangan sa mga pangkaraniwang kaso ng Alzheimer's Disease. Bawat karamdaman ng bawat pasyente ay katangi-tangi, at ang inyong doktor lamang ang makakapagsabi kung ano-anong mga pagsusuri ang dapat isagawa.



PAANO MAKAIWAS SA ALZHEIMER'S DISEASE?

Sa pangkasalukuyan, wala pang klarong ebidensya na may anumang kaparaanan upang maiwasan ang pagkakaroon ng Alzheimer's Disease. Gayun pa man, may mga na-oobserbahang kaugnayan ang hindi-pagkakaroon ng Alzheimer's Disease at iba't ibang bagay gaya ng pagkakaroon ng mababang antas ng kolesterol sa dugo, at pagpapanatiling aktibo ng isip sa pamamagitan ng pagbabasa, pag-aaral, at iba pa. Hihintayin natin ang mas masuring mga pag-aaral upang mapatunayan ang mga kaugnayang ito. May mga pag-aaral ring nagsasabi na ang paninigarilyo ay isang "risk factor" o dagdag puntos sa posibilidad na magkaroon ng Alzheimer's Disease, kaya maaaring ang pag-iwas sa paninigarilyo ay makatulong rin sa pag-iwas sa Alzheimer's.



ANO ANG GAMOT SA ALZHEIMER'S DISEASE?


Sa pangkasalukuyan, walang gamot na maaaring makapagpagaling o makapagpigil sa Alzheimer's Disease, subalit may ilang mga gamot na maaaring ireseta upang supilin ang mga sintomas nito, gaya ng mga pagbabago sa pag-iisip at pag-uugali. Ang mga ito ay hindi nakakapag-pabagal ng proseso ng Alzheimer's. Ang pinakamahalagang maaaring gawin sa Alzheimer's Disease ay ang pagbibigay ng suporta at pag-aalaga sa pasyente sa pangmatagalan. Tandaan na ang sakit na ito ay hindi nawawala, at palala pa ng palala. Kinakailangan ng matinding pasensya at pagmamahal ang pag-aalaga, lalo na't kadalasan pa ay bugnutin, magagalitin, o may mga pagbabago sa ugali ang pasyente. Ang pagkuha ng isang dedikadong caregiver sa isang pasyenteng may Alzheimer's ay malaking tulong rin sa kanya lalo na sa mga pangangailangang pisikal, gaya ng pag-alalay kapag nadudumi o naiihi, pagpapalit ng damit, pagpapaligo, pagkain, at iba pa. Ang pagkakaroon ng physical therapy ay isa ring mahalagang bahagi ng paggagamot sa isang pasyenteng may-Alzheimer's. Dahil hindi na makaalis sa kama, ang pagkakaroon ng bedsores ay isang dapat iwasan, at ito'y magagawa sa regular (kada 4 na oras) na pag-tagilid sa pasyente. Mahina ang resistensya ng mga pasyenteng may Alzheimer's kaya dapat rin silang umiwas sa mga ibang may sakit na maaaring makahawa. Siguraduhin ring mayroon silang mga angkop na bakuna para sa mga nakakatanda. Panghuli, siguraduhing regular na natitingnan ng doktor ang kalagayan ng pasyente. Geriatric Medicine ay tinatawag na spesyalista sa mga matatanda, at Neurology naman ay tawag sa spesyalista sa mga karamdaman sa utak gaya ng Alzheimer's. Alin man sa mga doktor na ito ay dapat regular na nakokonsulta ng isang pasyenteng may Alzheimer's.


No comments