Breaking News

AKAPULKO


HALAMANG GAMOT NA AKAPULKO



Ang halamang akapulko ay karaniwang nakikita bilang halamang ornamental sa mga hardin at bakuran. Kilala ito sa pagkakaroon ng madilaw at mataas at kumpol-kumpol na bulaklak, at may bunga rin na pahaba (pod) na may maraming mga buto. Nakakalat rin ang pag-tubo nito sa mga lugar na nasa rehiyong tropiko kabilang ang Pilipinas.

ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA AKAPULKO?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang akapulko ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

Ang dahon ay may taglay na 12 uri ng kemikal tulad ng chrysoeriol, kaempferol, quercetin, 5,7,4′-trihydroflavanone, kaempferol-3-O-beta-D-glucopyranoside, kaempferol-3-O-beta-D-glucopyranosyl-(1–>6)-beta-D-glucopyranoside, 17-hydrotetratriacontane, n-dotriacontanol, n-triacontanol, palmitic acid ceryl ester, stearic acid, at palmitic acid.

Ang balat ng sanga (bark) ay may taglay naman na tannins, steroids, alkaloids, anthraquinones, terpenes, carbohydrates at saponins

ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

Dahon. Ang dahon kadalasang kinakatasan at pinapakuluan upang mainom na parang tsaa. Maaari din itong durugin at dikdikin upang makuha ang katas. Maaari rin itong gawing ointment sa pamamagitan ng pagdikdik at pagluto sa dahon nito kasama ang langis ng niyog at wax.

Buto. Ang buto ay maaaring dikdikin at kunin ang katas o kaya naman ay pakuluan upang mainom na parang tsaa.

Bulaklak. Kadalasang hinahalo ang bulaklak sa dahon sa pagpapakulo upang mainom na parang tsaa.

ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG AKAPULKO?

Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang akapulko ay ang sumusunod:

1. Impeksyon ng fungi. Pinaniniwalaang makagagamot ang katas ng dinikdik na dahon at bulaklak sa mga kondisyon sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi tulad ng buni, hadhad at an-an.

2. Pananakit sa katawan. May bisa rin daw ang pag-inom ng katas ng dahon bilang analgesic o pangonontra sa nararamdamang pananakit sa katawan.

3. Pamamaga at implamasyon. Ang pamamaga sa ilang bahagi ng katawan ay maaring maibsan sa pamamagitan ng paglalagay ng katas ng dahon.

4. Impeksyon ng bacteria. Ang katas mula sa dahon ay makatutulong para mawala ang impeksyon ng bacteria sa katawan.

5. Hirap sa pagdumi o pagtitibi. Ang pag-inom sa pinakuluan ng dahon ay makatutulong na mapadali ang pagdumi kung dumaranas ng pagtitibi o constipation.

6. Hika at bronchitis. Ang pinakuluang dahon at bulaklak ay makatutulong para pahupain ang mga sintomas na dulot ng pag-atake ng hika at bronchitis.

7. Impeksyon ng bulate. Ang pinakuluang buto, dahon at bulaklak ay makatutulong na alisin ang naninirahang bulate sa tiyan.

8. Mga sugat. Maaaring itapal ang dinikdik at pinakuluang dahon ng akapulko sa sugat upang mas mabilis itong gumaling

9. Altapresyon. Ginagamit din ang dahon nito bilang gamot sa pagtaas ng presyon ng dugo. Iniinom lamang ang katas nito na parang tsaa.

10. Eczema o pamamaga ng balat. Ang katas ng dinikdik na dahon at bulaklak ay makatutulong para lunasan ang pamamaga ng balat o eczema.

Scientific name: Cassia alata Linn.; Herpetic alata Raf.; Cassia herpetica Jacq.
Common name: Akapulko (Tagalog); Candle Bush o Ringworm bush (Ingles)

Paalala: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.

No comments