Breaking News

DAPAT IWASANG PAGKAIN NG MAY SAKIT SA ATAY



Ang isang malusog na atay ay may kakayanang gampanan ang ilan sa mga mahahalagang paggana sa katawan kabilang na ang pagtunaw sa ilang mga pagkaing kinain, pagsasala sa dugo na dumadaloy sa sikmura at bituka, at pagbabawas ng lason o masasamang epekto ng gamot at alak sa katawan. Ngunit sa panahon na ang atay ay nanghina dahil sa sakit, ang mga pagganang dating ginagampanan ng malusog na atay ay maaaring mahinto o hindi na magampanan nang maayos.


Upang mabawasan ang trabaho ng nanghihinang atay at matulungan ang paghilom nito, mabuting iwasan muna ang ilang uri ng mga pagkain na nangangailangan nang malaki sa atay.


1. Karne


Kung mahina at hindi gumagana nang maayos ang atay, mabuting iwasan muna ang mga karne gaya ng baka, baboy, maging itlog at gatas. Ito’y sapagkat walang kakayanan ang mahinang atay na tunawin at iproseso ang karne upang makuha at mapakinabangan ang mahalagang amino acid. Upang magkaroon pa rin ng sapat na protina sa katawan, piliin na lamang ang mga pagkaing may protina na mas madaling tunawan gaya ng beans at karne ng manok.


2. Matatabang pagkain


Ang mga pagkaing may mataas na lebel ng saturated fats gaya ng matatabang balat ng baboy at masebong sabaw ng nilagang baka ay makakasama din sa atay. Maari lamang itong makadagdag sa pinapasan ng mahinang atay.



3. Maaalat na pagkain


Ang sodium na makukuha mula sa maaalat na mga pagkain ay nangangailangan din nang malaki sa maayos na paggana ng masiglang atay upang mapakinabangan ng katawan. Mahalaga na mabawasan ang dami ng sodium sa pagkain kung dumaranas ng kondisyon sa atay sapagkat maaari lamang itong makapagpalala sa kondisyon at magdulot ng pamamaga. Iwasan ang mga instant food, pinatuyong isda, maaalat na sawsawan, at iba pang maaalat na pagkain.


4. Sobrang matatamis na pagkain


Ang sobrang asukal sa mga pagkain ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagiging mataba ng atay (fatty liver disease) na may masamang epekto sa kalusugan lalo na sa maayos na paggana ng atay. Ang pagkakaroon ng matabang atay ay maaring humantong sa pagkasira ng atay. Kaya naman, mabuting iwasan din ang sobrang matatamis na pagkain upang hindi na rin lumala pa ang kondisyon.


5. Alak


Ang alak ay lason na pumapatay nang unti-unti sa isang masiglang atay. Kaya’t isang malaking kasalanan sa atay kung iinom pa ng alak habang naghihirap na sa pagkakaroon ng sakit sa atay. Kahit na anong uri ng inumin na may alkohol ay dapat iwasan kung nais pang gumaling mula sa dinaranas na karamdaman sa atay.

source: Pangkalusugan.ph

No comments