Breaking News

IMPORTANSIYA NG PAGKAIN NG TAMA



Ang pagkain ng balanse at kumpletong pagkain ay isang mahalagang paraan ng pagpapanatili ng kalusugan ng katawan. Sa pamamagitan nito, maibibigay ang husto at tamang nutrisyon na kinakailangan ng katawan upang gumana nang maayos at tumagal sa pang-araw-araw na hamon ng buhay.

BAKIT MAHALAGA ANG PAGKAKAROON NG BALANSENG PAGKAIN SA ARAW-ARAW?

Ang bawat bahagi ng katawan ay may iba’t ibang pangangailangan upang gumana ng maayos, epektibo at pangmatagalan. Halimbawa, ang mga buto, kinakailangan nito ang tuloy-tuloy na suplay ng mineral na calcium upang manatiling matibay at matatag; ang mga kalamnan naman ay nangangailangan ng sapat na suplay ng protina upang manatili ding malakas ay maisaayos ang mga nasirang bahagi dahil sa araw-araw na gawain.

Kung hindi maihahatid sa katawan ang mahahalagang sustansya na makukuha lamang kung balanse ang kinakain, maaaring pumalya sa paggana ang ilang bahagi ng katawan, mas mabilis mapagod, at magkaroon ng mas mataas na panganib ng pagkakasakit.





PAANO MAGKAKAROON NG BALANSENG PAGKAIN?


Ang pagkakaroon ng balanseng pagkain ay nagmumula sa pagpili ng mga pagkaing mayaman sa mahahalagang sustansya, bitamina at mineral. Kasabay nito, dapat ding iwasan o limitahan ang ilang uri ng pagkain na makasasama naman sa kalusugan. Ang mga sumusunod na uri ng pagkain ang pupuno sa balanseng pagkain na kinakailangan natin sa araw-araw:

1. Gulay.

Ang mga gulay ang pangunahing pinagkukunan ng mahalagang bitamina at mineral na kinakailangan ng katawan. Piliin ang mga berde at madahon gulay ‘pagkat ang mga ito may pinakamayamang mapagkukunan ng sustansya.

2. Prutas

Bukod sa gulay, ang mga prutas ay mayamang mapagkukunan din ng mga mineral at bitamina na mahalaga sa buhay. Kung hindi makakain ng gulay, piliin na lang ang prutas pagkat ito ay may mas katanggap-tanggap na lasa.

3. Butil

Ang mga butil tulad ng kanin, mais, at harina na panggawa ng tinapay, ang mga pangunahing pinagkukunan ng carbohydrates na mahalaga naman para magkaroon ng enerhiya sa araw-araw. Huwag kakaligtaan ang mga pagkaing ito upang tumagal sa matitinding hamon ng buhay.

4. Karne at iba pang pinagkukunan ng protina

Isa sa mga pinakamahalagang nutrisyon na kailangan ng katawan sa araw-araw ay ang protina. Ito ang tumutulong sa paglago at pagsasaayos ng mga nasirang kalamnan na ginamit sa araw-araw. Makukuha ito sa mga karne, beans, itlog, tokwa, at iba pa.

5. Gatas

Ang pag-inom ng gatas at pagkain ng mga produktong yari dito gaya ng keso at yogurt ang pangunahing makapagbibigay naman ng mahalagang mineral na calcium. Ito ay kinakailangan ng buto upang manatiling matibay at matatag.

6. Mahahalagang mantika

Kinakailangan din ng katawan ang ilang uri ng mahalagang mantika upang masipsip ng katawan ang ilang uri ng sustansya na fat-soluble o humahalo lamang sa mantika. Ngunit laging tandaan na piliin lamang unsaturated fats na kadalasang makukuha sa halaman gaya ng olive oil at mamantikang prutas gaya ng abukado.


ANU-ANO ANG MASASAMANG EPEKTO NG KAWALAN NG BALANSENG PAGKAIN?

Ang pagiging sobrang mataba o obese ang pangunahing epekto ng kawalan ng maayos at balanseng pagkain sa araw-araw. Maaaring malapit din sa ilang malulubhang sakit gaya ng stroke, sakit sa puso, altapresyon, diabetes, at kanser kung magkukulang sa mahahalagang sustansya ang mga kinakain.


source: kalusugan.ph

No comments