PAGKAIN NA MATAAS SA CHOLESTEROL
Upang manatiling malusog at malakas ang pangangatawan, mahalaga na maiwasan ang patuloy na pagtaas ng lebel ng LDL sa ating dugo. At isa sa mga mahuhusay na paraan upang maiwasan ang karagdagang LDL sa katawan ay ang pag-iwas mismo sa mga pagkain na may mataas na low-density lipoprotein. Ang mga sumusunod na karaniwang pagkain ay may mataas na lebel ng nakakasamang cholesterol na dapat iwasan.
1. Pula ng itlog
Isa sa mga karaniwang pagkain, lalo na sa almusal, ay ang itlog. Bagaman mayaman ito sa mahalagang protina, ang pula ng itlog ay sadyang may mataas na lebel ng nakakasamang cholesterol.
2. Mantikilya
Ang mantikilya o butter ay produkto mula sa gatas na karaniwang sangkap sa maraming uri ng lutuin. Ngunit ang sangkap sa paggawa nito ay ang mismong mga taba na makukuha sa gatas, kaya naman ito siksik talaga sa LDL.
3. Matabang karne
Ang mga taba o saturated fats na makukuha mula sa mga matabang karne ay isa rin sa mga pangunahing pinagmumulan nd LDL sa katawan. Mabuting limitahan din ang pagkain sa mga ito kung nais mabawasan ang LDL sa katawan.
4. Pagkaing fast food
Dahil sa kakulangan sa oras ng pagluto, marami ang bumabagsak na lang sa pagbili ng pagkain sa mga fast food. Ngunit sa kasamaang palad, ang mga pagkaing mula dito gaya ng hamburger, french fries at maging pritong manok ay talagang mataas sa nakakasamang cholesterol.
5. Atay
Ang atay ay masustansya dahil sa mataas na iron na makukuha dito kaya’t nirerekomenda ito kung may kakulangan sa mineral na iron. Ngunit kasabay nito, may mataas din na konsentrasyon ng LDL sa karneng ito. Limitahan din ito kung nais mapababa ang lebel ng nakakasamang cholesterol sa katawan.
6. Ice cream
Isa sa mga paboritong panghimagas ng mga Pilipino lalo na sa mainit na panahon ay ang ice cream. Pero dapat tandaan na ang sangkap sa paggawa ng malapot at tumitigas na ice cream ay ang gatas na mataas sa taba. Ang taba sa gatas ay mayaman din sa LDL na nakakasama sa ating kalusugan.
7. Matabang Sugpo o Alimango
Ang sugpo at alimango ay isa rin sa mga paboritong pagkain ng marami sa atin. Ngunit alalahanin din na ang mga pagkaing ito, lalo na yung mayroong mga taba o alige, ay may taglay na nakakasamang cholesterol o LDL.
8. Sitsirya
Ang mga sistsiryang kinakain ng marami bilang pampalipas oras ay kilala ring makukuhanan ng nakakasamang cholesterol. Bukod pa ito sa sodium na maaari namang makapagpataas ng presyon ng dugo at makasma sa kalusugan ng bato (kidney).
source: kalusugan.ph
No comments