MGA IBA'T IBANG KAPARAANAN NG PAG-EEHERSISYO
Hirap ka bang mag-ehersisyo sa kadahilanang wala kang sapat na oras para gawin ito? Huwag mag-alala, may mga alternatibong paraan ng pag-eehersisyo na maaari mo pa ring gawin at maisingit sa napaka siksik na oras ng iyong pamumuhay.
Phot by Pang-kalusugan
1. Maglakad papunta o papuwi galing sa trabaho.
Isa sa mga simpleng paraan ng pag-eehersisyo na hindi natin namamalayan ay ang paglalakad patungo o pagkagaling sa trabaho. Bukod sa makakatipid ka sa pamasahe, makatutulong din ito sa pagsunog sa mga sobrang calories sa katawan. Gawin ito nang kahit isang beses sa isang linggo, at maaaring araw-arawin pa kung malapit lang naman ang bahay sa lugar na pinagtatrabahuhan.
2. Gamitin ang bisikleta.
Kung mayroon namang bisikleta, maaari itong ikonsidera imbes na maglakad papunta at pauwi galing sa trabaho o eskwela. Bukod sa mas mabilis itong paraan kaysa sa paglalakad, wala rin itong kontribusyon sa polusyon sa kapaligiran.
3. Maglinis ng bahay.
Ang paglilinis ng tahanan ay isang mahusay na paraan ng pag-eehersisyo. Tiyak kang pagpapawisan sa simpleng pagwawalis, pagpupunas ng mga bintana, pagpapakintab ng sahig, at paglilipat ng mga kagamitan sa bahay. Nalinis mo na ang bahay mo, nakapag-eherisisyo ka pa.
4. Gamitin ang hagdanan.
Ikonsidera din ang paggamit ng hagdanan imbes na elevator at escalator. Gawin ito kung mahaba pa naman ang oras at hindi pa late sa trabaho o sa eskuwela. Sa ganitong paraan, masasanay nang husto ang mga kalamnan sa hita at pati na ang sirkulasyon ng dugo at paghinga.
5. Maglibang sa iba’t ibang uri ng sports
Ang mga Pilipino ay hindi maitatangging mahilig din sa paglalaro ng iba’t ibang sports. Mula sa mga larong basketball, volleyball, at soccer, hanggang sa mga paligsahan sa track and field at paglalangoy, isa ang mga Pinoy sa nangunguna. Ang mga sports na ito ay mahusay na paraan ng pag-eehersisyo.
No comments