LUNAS SA KARANIWANG SAKIT SA MATA
Alamin ang solusyon sa mga problema ng mata:
1. Kapag edad 40 na ay lumalabo ang paningin. Ang tawag dito ay presbyopia, kung saan humihina ang pag-focus ng ating mata sa malalapit na bagay. Normal lang ito at kumonsulta sa isang optometrist (o tindahan ng salamin) para magpasukat ng salamin.
2. Nanunuyong mata sa edad 60 pataas (dry eyes). Pangkaraniwang sakit ito ng may edad dahil nababawasan ang paggawa nila ng luha. Ang solusyon dito ay ang madalas na pagpatak ng artificial tears na mabibili sa botika. Kung gustong makatipid, puwedeng magtimpla ng sariling “luha”. Maghalo ng katiting na asin at isang onsang distilled water. Ihalo maigi at gamitin itong pang-patak sa mata. Bumili na lang ng dropper.
3. Cataract o katarata. Bilang halimbawa, kapag malabo ang salamin ng kotse ay mahihirapan kang magmaneho. Ganito rin ang nangyayari sa katarata kung saan lumalabo ang lente ng mata. Ang sanhi ng katarata ay ang matinding araw, pag-edad, diabetes at paninigarilyo. Hanggang ngayon ay wala pang pangpatak para malunasan ang katarata. Ang solusyon sa katarata ay isang simpleng operasyon na ginagawa ng mga eye specialists. Magpa-check sa doktor sa mata.
4. May laman na tumutubo sa harap ng mata. Ang tawag dito ay pterygium, at dulot ito ng pagkairita ng mata sa usok, alikabok at dumi. Para hindi lumaki ang pterygium, umiwas sa mauusok na sasakyan at huwag nang ganoong lumabas sa kalye. Hindi delikado ang pterygium. Ngunit kapag natakpan na nito ang iyong paningin, kailangan itong operahan at alisin ng doktor.
5. Sore eyes. Ang sintomas ng sore eyes ay ang pamumula ng dalawang mata, makati ito at parang may buhangin sa mata. Ito ay impeksyon sa mata na nahawa mula sa ibang tao. Mabilis kumalat ang sore eyes. Huwag makipagkamay o gumamit ng kagamitan ng taong may sore eyes. Para magamot ang sore eyes, patakan ng anti-bacterial eyedrops 3 beses sa maghapon. Puwedeng linisin ang mata ng salt solution. Maghalo ng distilled water at katiting na asin. Ihalo ito maigi. Kumuha ng cotton balls at isawsaw dito. Ipikit ang mata at ipatong ang basang cotton balls sa mata ng 5 minuto. Hayaang manuot ang tubig na may asin sa iyong mata. Medyo masakit ito pero mapabibilis ang paggaling ng iyong sore eyes.
6. Eye floaters o iyung may lumulutang na bagay-bagay sa paningin. Puwede kang matakot kapag una mo itong makita. Minsan ay hugis bilog o pahaba ang iyong matatanaw. Ang mga lumulutang na bagay ay nasa loob pala ng iyong mata. Dulot ito ng pag-edad o pagkakaroon ng dating pinsala (nabangga ang mata). Hindi naman delikado ang floaters. Tandaan lang na kapag biglang dumami ang nakikita mong floaters, magpatingin na sa isang eye specialist.
7. Glaucoma. Sa glaucoma, nababarahan ang pagdaloy ng likido sa loob ng ating mata. Dahil dito, tumataas ang presyon sa loob ng mata. Puwede itong magdulot ng pananakit ng ulo at pagkabulag. Ginagamot ang glaucoma sa pamamagitan ng eye drops o laser surgery. Seryosong sakit ang glaucoma at kailangan magpatingin agad sa eye specialist.
Tandaan: Ang mata natin ay konektado sa buong katawan. Dahil dito, kailangang umiwas sa bisyo at kumain ng masustansya. Gamutin ang altapresyon at diabetes. Ito ang solusyon para hindi magkasakit ang iyong mata.
isinulat ni: Dr. Willie Ong
No comments