ANG CALORIE SA ILANG MGA PAGKAIN
Ang calorie ay ang sukat na ginagamit para bilangin ang enerhiya na nakukuha mula sa pagkain, na siya namang ginagamit ng katawan upang gampanan ang lahat ng papel nito sa buhay ng tao. Bawat pagkain na kinakain ay may taglay na calorie.
Ang dami ng calories na kailangang tanggapin ng katawan ay depende sa iba’t ibang mga salik gaya ng edad, kasarian, kondisyon sa katawan, gayun din sa istilo ng pamumuhay ng isang indibidwal. Upang mas maintindihan, ang taong madalas na nakaupo lang sa bahay ay may mas kakaunting pangangailangan na calories kung ikukumpara sa atletang may aktibong pamumuhay, iba rin ang bilang ng calories na dapat tanggapin ng isang batang lumalaki at ng isang matanda na uugod-ugod na.
Huwag kaligtaan na ang sobrang calories sa katawan na hindi kaagad nagamit ang siyang nagiging bilbil sa tiyan, o taba sa iba’t ibang parte ng katawan. Kaya naman mahalaga na mabantayan ang bilang ng calories na tinatanggap ng katawan sa araw-araw at iayon ito sa uri ng pamumuhay na nakasanayan.
No comments