Breaking News

AIDS






ANG HIV AY DINADALA NG MGA LIKIDO NG KATAWAN GAYA NG SEMILYA, DUGO, AT GATAS. MAY APAT NA PINAKAMAHALAGANG PARAAN PARA MAHAWA NG HIV:

Pakikipagtalik sa tao na may HIV

Pagsasalin ng dugo o mga produktong hango sa dugo o iba pang likido ng katawan gaya ng semilya, o di kaya paglilipat ng parte ng katawan (organ transplantation) mula sa taong may HIV.
Mula sa ina papunta sa kanyang sanggol: maaaring sa pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso.
Paggamit ng karayom na naiturok sa ibang tao na may HIV

Batay sa mga kadahilanang ito, may mga taong maaaring sabihing high risk o delikadong mahawa ng HIV. Kabilang dito ang mga prostitute at mga gumagamit ng ipinagbabawal ng droga.

ANONG URI NG PAKIKIPAGTALIK ANG MAAARING MAGKALAT O MAGHAWA NG HIV/AIDS?

Ang pagpasok ng ari ng lalake sa ari babae (vaginal intercourse) o ang pagpasok ng ari ng lalake sa puwit (anal intercourse) ay mga uri ng pakikipagtalik na may pinakamataas na probababilidad na mahawa o makahawa. Mas mataas ang probabilidad na mahawa ang babae sa vaginal intercourse, at ang tumatanggap o nasa receiving end ng anal intercourse. Nakakahawa rin ang pagsupsop sa ari ng lalake o ari ng babae.

LIGTAS O PROTEKTADO BA ANG MGA GUMAGAMIT NG CONDOM?

Oo, ang condom ay mabisang proteksyon laban sa HIV/AIDS, at may ebidensya na talagang nakakabawas ang paggamit ng condom sa paghawa ng HIV. Ngunit maaari paring mahawa, halimbawa kung masira ang condom habang nakikipagtalik.

TOTOO BANG HINDI AKO MAHAHAWA NG HIV KUNG HINDI MAGPALABAS NG SEMILYA ANG AKING KATALIK?

Bago pa man labasan ang lalake ng semilya, may lumalabas na likido na tintatawag na precum at maaari rin itong magtaglay ng HIV kung ang lalake ay may HIV. Para sigurado, higit na mainam wang paggamit ng condom o ang pag-iwas sa pakikipagtalik sa sinumang tiyak na may HIV o kaya’y hindi sigurado kung ano ang HIV status.

LIGTAS BA ANG ORAL SEKS?

Oral sex, o ang pagsupsop sa tite o puke, ay maaari paring maging tulay sa paghawa ng HIV, bagamat maliit lamang ang probabilidad nito. Maaaring mahawa na babae o lalake na sumusupsop sa tite ng lalakeng may HIV kung ang semilya ay makarating sa mga bahagi ng bibig na may sugat o singaw. Sapagkat hindi nakakahawa ang laway o saliva, ang probabilidad na mahawahan ng HIV sa oral seks ay limitado sa gumagawa nito (i.e. ang sumusupsop) at hindi sa sinusupsop.

MAAARI BA AKONG MAHAWA NG HIV SA PAKIKIPAGHALIKAN?

Sapagkat konti lamang ang HIV na nasa laway, hindi ito sapat para makahawa, at dahil dito, itinuturing ang pakikipaghalikan bilang low risk activity. Ngunit dapat parin maging maingat dahil ang pakikipaghalikan ay maaaring maghatid sa mga sitwasyon na high risk gaya ng pakikipagtalik.

ANG MGA LESBIAN O BABAENG NAKIKIPAGTALIK SA KAPWA BABAE – SILA BA AY LIGTAS SA HIV?

Bagamat may maliit na posibilidad, hindi itinuturing na high risk ang pakikipagtalik ng babae sa kapwa babae.

MAS DELIKADO BA ANG ANAL SEKS SA PUWIT KAYSA VAGINAL SEKS SA ARI NG BABAE?

Oo mas delikado ang anal sex sa kadahilanang mas manipis ang balat sa puwit o rectum. Dahil dito, mas medaling masugatan at magdugo habang nakikipagtalik. Ang mga nasugatang ugat ay maaaring magsilbing daan para marating ng HIV ang katawan. Higit na delikado ang anal sex sa receptive partner o ang pinapasok ng tite, kaysa sa insertive partner o siyang nagpapasok ng tite.

MAAARI BANG MAHAWA NG HIV SA KAGAT NG LAMOK O IBANG INSEKTO O HAYOP? E KAGAT NG TAO?

Hindi. Kapag ang lamok ay kumakagat, hindi ito nagtuturok ng nakain nitong dugo sa katawan. Hindi rin nakakahawa ng HIV ang kagat ng hayop gaya ng aso o pusa. Sa ibang bansa, may ilang kaso ng pagkahawa dahil sa matinding pagkakagat ng taong may HIV, ngunit ito’y bihirang bihira at hindi mahalagang dahilan ng paghawa ng HIV.

ANG PAGPAPATULI O CIRCUMCISION BA AY PROTEKSYON LABAN SA HIV?

Ayon sa mga pagsusuri, ang mga lalakeng tuli o circumcised ay mas maliit ang probabilidad na magkaron ng HIV kung ikukumpara sa mga supot o uncircumcised. Ngunit hindi ito tiyak na proteksyon, mas binabawasan lang nito ang probabilidad ng 50%. Kailangan paring gawin ng mga tuli o circumcised na lalake ang mga proteksyon gaya ng paggamit ng condom.

MAAARI KO BANG MAKUHA ANG HIV SA PAGDONATE NG DUGO (BLOOD DONATION), O SA PAGSALIN NG DUGO SA AKIN (BLOOD TRANSFUSION)?

Sa kasalukuyang panahon ay sterile o malinis na malinis na ang mga ginagamit ng karayom at iba pang gamit sa pagkuha ng dugo sa blood donation. Hindi ka maaaring magkaron gn HIV sa pagdonate ng dugo o blood donation. Sa blood transfusion naman, hindi rin dapat mag-alala dahil sinusuri ang dugo para sa HIV bago ito i-approve sa pagsalin. Sa kabuuan, ligtas ang pagdodonate at pagsasalin ng dugo at hindi maaring mahawa ng HIV dahil ditto.

AKO AY NAGTRATRABAHO SA OSPITAL BILANG NURSE, DOKTOR, O TECHNICIAN. MAAARI BA AKONG MAGKARON NG HIV SA OSPITAL?

Huwag mag-alala dahil basta sinusunod mo ang mga patakarang pangkaligtasan (universal precaution), hindi ka mahahawa. May ilang kaso sa ibang bansa na nahawa dahil sa aksidenteng pagkatusok ng mga karayom na nagamit ng pasyenteng may HIV (needlestick injury) kaya dapat maging ma-ingat sa paghawak ng mga karayom.

MAY HIV AKO PERO UMIINOM NA AKO NG ANTIRETROVIRALS. MAKAKAHAWA PARIN BA AKO?

Kahit na umiinom ka na ng gamot at kahit pa sa laboratory test ay makitang mababa na ang viral load o ang bilang ng HIV sa iyong katawan, may HIV ka parin at maaari ka paring makahawa ng HIV. Kaya dapat maging maingat ka parin, at dapat ring mag-ingat ay iyong partner

HINDI AKO SIGURADO SA HIV STATUS KO AT SA HIV STATUS NG PARTNER KO. ANONG DAPAT KONG GAWIN?

Huwag mahiya o mag-alinlangang talakayan ang isyu ng HIV. Magpasuri ng HIV status sa pamamagitan ng HIV Testing at anyayahan rin ang iyong partner na magpasuri. Ang pagiging HIV positive ay hindi katapusan ng mundo at may mga gamot dito. Ang kaalaman tungkol sa iyong HIV status at HIV status ng iyong partner ay isang mahalagang paraan para maiwasan natin ang HIV.


Ano ang mga Sintomas ng HIV/AIDS?



Maraming tao ang hindi nakakaalam na mayroon pala silang HIV (Human Immunodeficiency Virus), sapagkat kalimitan, ito’y walang sintomas sa umpisa. Saka na lamang nagkakaroon ng sintomas ang karamihan sa mga taong may HIV kapag ito’y malala na, o kapag ang impeksyon na HIV ay nagtungo na sa AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome).

Ang iba naman ay maaaring makaranas ng mga sintomas na parang trangkaso, gaya ng lagnat, sakit sa ulo, panghihina, at paglaki ng mga kulane sa leeg. Ang mala-trangkasong karamdamang ito ay karaniwang nararanasan makaraan ng 1-5 linggo mula sa pagkakuha ng HIV (mula sa pakikipagtalik, pagsalin ng dugo, o hiraman ng gamit na karayom – tunghayan ang artikulo, “Paano nahahawa ang HIV/AIDS” para sa karagdagang kaalaman). Pagkatapos nitong mala-trangkasong karamdaman, ang taong may HIV ay babalik sa normal at walang mararamdamang sintomas. Itong sitwasyong ito ay maaaring tumagal ng ilang taon (5-10 taon).

Sa sitwasyong ito na tinatawag na “Asymptomatic Phase”, ang HIV virus ay nagpapatuloy na dumami sa loob ng katawan. Kaya walang sintomas ay kinakaya pa ng katawan ang presensya ng HIV; hindi pa tuluyang nasisisra ang Immune System na syang inaatake ng HIV.

Kapag tuluya nang nasira ang immune system, mawawalan na ang kakayanan ang katawan na lumaban sa mga iba’t ibang impeksyon. Magdadagsaan ang sari-saring impeksyon sa balat, sa baga, sa tiyan, at sa lahat ng bahagi ng katawan. Sa normal na tao, ang mga impeksyong ito ay kayang labanan ng ating immune system at hindi mo matatagpuan ang mga ito sa mga normal na indibidwal. Subalit dahil sira nga ang immune system sa HIV na malala na, malayang dumagsa ang mga impeksyong ito. Ang estadong ito ang siyang tinatawag na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome. Ang HIV/AIDS mismo ay hindi direktang nagdudulot ng mga sintomas; ito’y nagbibigay daan sa mga impeksyon na siyang tuluyang sumisira sa katawan at nagdudulot ng kamatayan sa mga taong may HIV/AIDS. Kabilang dito sa mga impeksyong ito ay mga pulmonya na hatid ng fungi at mga di-pangkaraniwang bacteria, mga impeksyon sa balat, sa utak, at iba pa.

Maaari ring magdulot sa mga tumor o kanser ang HIV/AIDS, dahil na rin sa pagkasira ng immune system. Kabilang sa mga tumor na ito ay ang lymphoma o cancer ng mga kulane; o ang Kaposi’s sarcoma, isang agresibong kanser na tumutubo sa balat o sa bibig.

Dahil ang HIV/AIDS ay itinuturing na isang kahihiyang sakit o stigmatized disease (bagamat hindi natin dapat ituring ang mga sakit na ganito), maaari ring maghatid sa matinding pagkalungkot (depression) ang mga taong may HIV/AIDS. Ito’y maaaring side effect din ng mga iba’t ibang impeksyong nakaka-apekto sa mga taong may HIV/AIDS.

Sa kabilang ng mga sintomas na ito, hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil may mga gamot na maaaring sumupil sa mga sintomas ng HIV/AIDS. Tunghayan ay susunod na artikulo, “Ano ang gamot sa HIV/AIDS”, upang alamin ang mga gamot na ito. Kung hindi tiyak sa iyong HIV status, magpasuri sa HIV sa pamamagitan ng HIV Testing; tunghayan ang artikulong “HIV testing: Paano malaman kung may HIV/AIDS?” para malaman kung paano.


HIV TESTING: PAANO MALAMAN KUNG MAY HIV/AIDS?

Sino ang dapat mag-HIV testing?

Ang sagot dito ay, “Dapat magpa-HIV testing ang mga taong nasa kategorya ng “High Risk”. Ang mga “High Risk” na tao ay ang mga sumusunod: (1) Mga lalaki na nakikipag-sex sa kapwa lalaki o MSM; (2) Mga taong gumagamit ng bawal na gamot at nakikipaghiraman ng karayom na gamit na (IV drug users); (3) Mga taong nakikipagtalik ng walang proteksyon gaya ng condom; and (4) mga taong nagpapabayad para sa sex o mga commercial sex workers. Ngunit kahit hindi mo itinuturing ang sarili mo na kabilang sa ito, kung may posibilidad na nahawa ka ng HIV/AIDS batay sa mga paraan ng pagkakahawa ng HIV (tingnan ang artikulo sa “Kaalam tungkol sa HIV”), rekomendado ring magpa-HIV testing ka.
Bakit mahalaga ang HIV testing?

Una, kapag mas maagang malaman ng isang tao na siya ay may HIV, kaagad siyang makakainom ng mga gamot na panlaban sa HIV/AIDS; hindi man kayang puksain ng mga gamot ang HIV sa loob ng katawan; pinapabagal nila ang paglala ng HIV patungo as AIDS, ang nakakapagpahaba ng buhay. Pangalwa, kapag nalaman ng isang tao na siya ay may HIV, maaari niyang maproketahan ang ibang tao sa pagkakaron ng HIV sa pamamagitan ng pag-iwas sa sex o abstinence o ang paggamit ng proteksyon gaya ng condom.
Paano malaman kung ikaw ay may HIV/AIDS?

Upang malaman ang HIV status (HIV positive o HIV negative), kailangan suriin ang iyong dugo sa laboratoryo – isang proseso na sa simpleng salita ay tinatawag na HIV Testing. Sa Pilipinas at sa maraming mga bansa, ang HIV testing ay binubuo ng dalawang hakbang. Una, HIV Screening ang ginagawa sa pamamagitan ng ELISA o isang uri ng laboratory test na naghahanap ng mga antibodies na reaksyon ng katawan sa impeksyon ng HIV. Ang mga antibodies ay lumilitaw makaraan ang anim na buwan matapos mahawa ng HIV ang isang tao. Dahil dito, maaaring hindi makita sa HIV Screening ang presensya ng HIV, lalo na kung ito’y bagong hawa. Ngunit kung negatibo ang resulta ng HIV screening, dalawa lamang ang posibilidad: ikaw ay walang HIV (HIV negative) o nakuha mo ang HIV sa huling 6 na buwan. Ngunit kung wala ka namang high-risk behavior na ginawa sa huling 6 na buwan, malamang ikaw ay HIV Negative. Kung positibo ang resulta ng HIV Screening, kailangang ikompirma ng HIV Confirmatory Test kung talaga bang ikaw ay may HIV. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng isa pang laboratory test, ang Western Blot. Ang pagsusuring ito ay “very accurate” at kung positibo ka, tiyak na positibo ka talaga. Kung positibo ka dito, ikaw ay HIV Positive at dapat umpisahan ang gamutan sa lalong madaling panahon. Ang HIV Testing ay confidential at maaaring gawin sa HIV Testing Centers sa Pilipinas. Bisitahin ang artikulong Listahan ng mga HIV Testing Centers sa Pilipinas upang malaman kung saan maaaring magpa-test para sa HIV.


PAANO MAKA-IWAS SA HIV O AIDS


Ang HIV o AIDS ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
Pag-iwas sa pakikipag-sex sa kung sino-sino. Isang katotohanan na ang mga taong nakikipag-sex sa kung sino-sino, maging sa babae o sa lalaki man, ay may panganib na mahawa ng HIV/AIDS. Kung kayo ay may asawa, dinadala nyo rin siya sa panganib kung patuloy kayo sa gawain na ito lalo na kung walang proteksyon (ikalawang bilang).
Proteksyon (pag-gamit ng condom) pag nakikipag-sex. Dahil pakikipagtalik ang karaniwang sanhi ng pagkakahawa ng HIV/AIDS sa Pilipinas, ang pag-gamit ng condom habang nakikipag-sex ay napaka-halaga para makaiwas. Ang proteksyon ay dapat gamitin hindi lamang kung magpapalabas ng semilya, bagkos, sa buong pakikipag-sex. Ang pag-gamit ng condom ay dapat sa vaginal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa puwerta ng babae) at sa anal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa puwit ng babae o kapwa lalaki)
Pag-iwas sa droga o bawal na gamot na tinuturok.Isa rin sa mga grupo na may panganib magkaron ng HIV/AIDS ay ang mga durugista na ang ginagamit ay karayom na nagtuturok ng bawal na gamot (gaya ng cocaine) para ma-'high'.

Ang pag-inom ng antibiotics o paghuhugas ng ari pagkatapos makipag-sex ay WALANG EPEKTO at hindi nakakapigil sa pagkakaron ng HIV/AIDS. Hindi rin nakakapigil ang pagpapalabas ng semilya sa labas ng puwerta o puwitan ng katalik.


ANO ANG GAMOT SA HIV/AIDS?

Ang HIV (Human Immunodeficiency Virus) na siyang nagdudulot ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay isa sa mga pinaka-kinakatakutang sakit, at isa sa mga dahilan dito ay ang pananaw na walang gamot sa HIV/AIDS. Bagamat totoo na sa ngayon ay wala ngang gamot na maaaring magtanggal sa HIV mula sa katawan, hindi ka katapusan ng mundo sapagkat may mga gamot na maaaring mag-control sa HIV. Ang mga gamot na ito, na tinawag na Anti-Retroviral Drugs (ARVs) ay isa sa mga dahilan kaya maaari nang mabuhay ng matagal ang mga taong may HIV, di gaya dati na basta ma-diagnose ng HIV ay tuloy-tuloy na ang paglala ng sakit. Highly-Active Anti-Retroviral Therapy (HAART) ang tawag sa gamutang rekomendado ng mga spesyalista sa pangkasalukuyan: ito’y binubuo ng tatlong iba’t ibang gamot.

Tandaan: Ang gamutan para sa HIV/AIDS ay maaaring makuha sa DOH ng libre. Tunghayan ang artikulong “Listahan ng HIV Testing Centers sa Pilipinas” para malaman kung saan maaaring makamtan ang mga gamot na ito. Makipag-ugnayan sa mga HIV support groups at sa Philippine National AIDS Council upang makahingi ng gamot, tulong, ang suporta.

Isa pa, nabanggit natin sa naunang artikulo, “Ano ang mga sintomas ng HIV/AIDS”, na ang HIV/AIDS mismo ay hindi direktang nagsasanhi ng mga sintomas; ito’y nagbibigay-daan lamang para ma-impeksyon ang tao. Mayroon ding mga gamot para sa mga impeksyong ito: mga antibiotics at mga anti-fungal na gamot at bahagi rin ito ng gamutan sa taong may HIV, lalo na kung ito’y isang ganap na kaso ng AIDS at maraming dumarating na impeksyon. Ngunit ang mga gamot na ito ay hindi basta-basta; mga espesyal na klase ng antibiotiko ito sapagkat espesyal na klase rin ng mga mikrobio na nakakaapekto sa mga taong may AIDS.

Sa mga taong may AIDS, may mga ibang gamot na iniinom na kaagad bago pa man dumating ang impeksyon, upang ito’y hindi na makapasok sa katawan. Ang tawag sa mga ito ay mga prophylactic drugs.

Dahil napaka-komplikado ng gamutan sa HIV/AIDS, kailangan ng gabay at reseta ng spesyalista upang wastong gamot ang mainom. Maaari ring makipag-ugnayan sa mga HIV support groups para makahingi ng tulong tungkol dito.

Dahil HIV/AIDS ay isang pandaigdigang epidemiko, maraming mananaliksik ang naghahanap ng gamot na tuluyang makakapuksa sa HIV. Patuloy rin ang pagkakaroon ng bagong mga gamot na sumusupil sa pagdami ng HIV sa katawan. Dahil dito sa gamot na ito at sa mga gamot na mayroon na ngayon, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinumang may HIV.


No comments