Breaking News

SOBRANG TIMBANG O OBESITY, MAARING MAKUHA ANG MGA SAKIT

 



Ang pagkakaroon ng sobra-sobrang timbang o kondisyon na obesity ay hindi lamang problema sa pisikal na anyo bagkus ay tinuturing din na problema sa kalusugan. Ito’y sapagkat ang pagiging sobrang taba ay nagtataas ng panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang malalalang sakit.

Ang sumusunod ay ilan sa mga kilalang sakit na may koneksyon sa sobrang katabaan.


1. Sakit sa puso

Mas mataas ang posibilidad na mamuo at mabarahan ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary artery) sa mga taong may sobrang timbang. Dahil dito, mas tumataas din ang posibilidad na makaranas ng pananakit ng dibdib (angina) o kaya naman ay atake sa puso.


2. Altapresyon

Mas tumataas din ang pagkakaranas ng altapresyon o pagtaas ng presyon ng dugo kung ang timbang ay mananatiling sobra sa normal. Kaugnay nito, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas gaya ng pagkahilo at pamamanhid ng katawan. Dahil din sa altapresyon, mas tumataas din ang panganib ng stroke at pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.


3. Stroke

Ang stroke ay ang kondisyon kung saan ang napipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo sa utak. Maaring dahil ito sa pagbabara ng mga ugat o kaya naman pagputok ng ugat sa utak. Maaaring ikamatay ang pagkakaranas nito o kaya ay magdulot ng pagkabaldado ng kalahiti ng katawan. Siyempre pa, ang mga taong obese ay may mas mataas na panganib na makaranas ng stroke. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na stroke.


4. Diabetes

Ang diabetes ay ang sakit kung saan nawawala ang abilidad ng katawan na kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo. Dahil dito, maaaring tumaas nang husto o kaya’y bumagsak nang husto ang lebel ng asukal sa dugo, at pareho itong may masamang epekto sa kalusugan. Karamihan sa mga taong may malalang kondisyon ng daiabetes ay may mataas ding timbang.


5. Kanser


Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser, partikular ang kanser sa bituka (colon cancer), dibdib (breast cancer), mares (endometrial cancer), sa mga taong matataba at sobra ang timbang.


6. Osteoarthritis


Dahil sa sobrang bigat na dinadala ng katawan, maaaring makaranas ng arthritis o pananakit ng mga kasukasuan sa katawan. Nadadagdagan kasi ang pasan-pasan na bigat ng mga kasukasuan at napapabilis ang pagkasira ng mga kalamnan na nakapalibot dito.


7. Hirap sa paghinga habang tulog (Sleep Apnea)


Isa rin sa mga karaniwang problema ng mga matataba ay ang hirap sa paghinga kapag natutulog. Ang sobra kasing taba na bumabalot sa leeg ay maaaring dumiin sa daluyan ng paghinga at maharangan ang maayos na daloy ng hangin.


8. Bato sa apdo


Ang sobrang taba sa katawan ay nakadaragdag din ng posibilidad ng pagkakaaroon ng mga bato sa apdo o gallstone. Ang mga naipon kasi na taba sa katawan ay maaring mamuo sa apdo at maging maliliit na bato na kung gumulong papunta sa mga daluyan ng bile, ay maaring magdulot ng pagbabara at pamamaga. Kinakailangan dito ang agarang operasyon.


9. Pagkabaog


Madalas ding nagiging problema ng mga taong may sobrang timbang ang kakayanan na makabuo ng anak.


10. Sobrang kolesterol sa dugo

Hindi malayong magkaroon ng mataas na lebel ng taba at kolesterol sa dugo ang mga taong sobra ang timbang. Ang pagkakaroon ng masamang kolesterol sa dugo ay iniuugnay sa iba’t ibang sakit gaya ng stroke, altepresyon, at sakit sa puso.


source: kalusugan.ph

No comments