Breaking News

GUSTO MO BA? PARAAN NG PAGTIGIL SA PANINIGARILYO!



Ang paninigarilyo na tumutukoy sa paghithit ng sinusunog na dahon ng tabako ay bahagi na ng buhay ng tao magmula pa noong mga panahon na dinidiskubre pa lamang ang Pilipinas. Bagaman hindi na bago sa pandinig na ang paninigarilyo ay tiyak na makakasama sa kalusugan, at maaari pang maiugnay sa ilang mga malulubhang sakit sa baga, tila nahihirapan talaga ang mga indibidwal na umiwas sa ganitong gawain lalo na kung ito’y nakasanayan na.

Ang hirap sa pag-iwas sa paninigarilyo ay maaaring isisi sa substansyang taglay ng mga sigarilyo. Ang nikotina o nicotine ay isang kemikal na maaaring makuha sa bawat paghithit sa sigarilyo, at sadiyang nakahuhumaling at hahanaphanapin sa oras na makaabot sa utak. Sa madaling salita, ito ay nakaka-adik.

Kaya naman ang tanong ngayon, paano makakaiwas sa paninigarilyo at paano malalabanan ang adiksyon sa nikotina? Ating alamin ngayon sa Kalusugan.Ph


PAANO MATITIGIL ANG PANINIGARILYO?


1. Disiplina at sariling sikap.

Ang pundasyon ng pagtigil sa paninigarilyo ay nagsisimula sa sariling sikap at disiplina sa sarili. Walang ibang tao na higit na makatutulong sa pagtigil sa paninigarilyo kundi ang mismong sarili. Kailangang maging desidido sa pagtigil nito at pagtiyagaan ang mahaba at mahirap na proseso.

2. Paghingi ng payo sa eksperto.

May ilang bagay na makatutulong upang maisakatuparan ang pagtigil sa paninigarilyo. Isa na dito ang paghingi ng payo sa mga eksperto tulad ng mga councilor, doktor, therapist, at mga taong napagdaanan na ang kaparehong karanasan.

3. Therapy para labanan ang adiksyon sa nikotina.

Dahil ang pagbitiw sa paninigarilyo ay hindi basta-basta dahil sa pagkahumaling sa nikotina, maaaring kailanganing sumailalim din sa mga therapy na tutulong para malabanan ang adiksyon na ito. Mayroong mga nicotine patch, nicotine gum, o nicotine lozenge na nagbibigay ng tamang dami ng nikotina na pupuno sa kagustuhan ng utak sa substansyang ito. Unti-unting binabawasan ang dami ng nikotina hanggang sa tuluyan nang mawala sa pagnanais ng utak dito.

Dapat alalahanin na maaaring dumanas ng withdrawal syndrome kung bibiglain ang pagtigil sa paninigarilyo nang hindi kinokontrol ang pagnanais ng utak sa nikotina.

4. Paggamit ng mga gamot na makatutulong sa pagtigil sa paninigarilyo.

May ilang gamot na maaaring ireseta ang doktor upang mabawasan ang pagnanais sa paghithit ng sigarilyo. Ang mga gamot na Bupropion HCL at Varenicline Tartrate ay nakatutulong pamamagitan ng pagharang sa kaligayahan na maaaring maramdaman sa utak kapag paninigarilyo.
5. Suporta mula sa taong nakapaligid.

Siyempre pa, ang tagumpay ng pagtigil sa paninigarilyo nakasalalay din sa suportang ibibigay ng mga taong nakapaligid sa taong nagnanais na tumigil sa paniigarilyo.






TIPS PARA MATAGUMPAY NA MATIGIL ANG PANINIGARILYO

1. Alamin kung anu-ano ang mga bagay na nakapagpapasimula o triggers ng paninigarilyo.

Mahalaga na malaman ang lahat ng bagay na nakapaghihikayaat sa sarili na manigarilyo. Ito’y upang maiwasan ang mga ito ay hindi na matukso na muling manigarilyo.

2. Magtiyaga at panindigan ang pagtigil sa paninigarilyo

Muli at muli, disipilina ang pangunahing kailangan upang mapagtagumpayan ang pagtigil sa paninigarilyo, ngunit kakailanganin din ang mahabang pasensya at pagkakaroon ng paninidigan sapagkat ang proseso sa pagtigil sa paninigarilyo ay mahaba at mahirap.

3. Huwag magpapatalo sa pagnanais na manigarilyo.

Huwag hahayaan ang sarili na matukso ng mga “triggers” na nakapagpapasimula ng paghithit ng sigarilyo. Labanan ang tukso.

4. Ibaling ang oras sa ibang mga gawain.

Ibaling ang oras sa ibang mga aktibidades gaya ng sports, pagbabasa ng libro at iba pang mga libanangan upang makalimutan na ang pagnanais sa paninigarilyo.

5. Laging ipaalala sa sarili ang dahilan ng pagtigil sa paninigarilyo.

Bigyan ng motibasyon ang sarili sa pagtigil sa paninigarilyo, at lagi itong ipapaalala sa sarili nang sa gayon ay mas lalong lumakas ang loob at maging determinado sa pagtigil sa paninigarilyo.

6. Alalahanin ang masasamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo.

Laging iisipin at matakot sa mga sakit at kondisyon na maaaring idulot ng patuloy na paninigarilyo. Isipin din ang kalusugan ng mga mahal sa buhay na maaaring nakalalanghap ng usok na ito.
'
source: kalusugan.ph

No comments