Breaking News

Ukay-okay? Epekto ng lumang damit sa Kalusugan



SUKI ka ba ng ukay-ukay? o sadyang mahilig ka bumili ng second hand na damit, gamit at sapatos? Minsan ba ay humihiram ka ng gown o damit? Okay lang sana kung kilala mo ang may-ari ng mga damit.

Totoo na mas mura ang mga lumang damit, pero may posibleng epekto ito sa ating kalusugan. Bihira lang naman ito mangyari pero may mga pagkakataon na nagdudulot ito ng mga impeksyon tulad ng kuto, galis, alipunga, gonorrhea, dermatitis at sari-saring impeksiyon. Puwedeng mabuhay ng ilang araw ang mikrobyo at parasites sa mga telang ito.

Ayon sa Centers of Disease Control and Prevention sa America, posible rin makapagpasa ang lumang damit ng matinding bacteria tulad ng staphylococcus aureus.

Heto ang mga payo sa mga gumagamit ng lumang damit:

1. Ibilad ang damit ng ilang araw.

2. May mga gamit na hindi dapat isuot ng ibang tao tulad ng underwear at panty. Hindi mo kasi masiguro na walang mikrobyo ang naiwan sa mga damit na ito.

3. Labhan maigi ang mga damit. Siguraduhing walang naiwang mantas na galing sa tao, tulad ng dugo, ihi, dumi at iba pang likido.

4. Puwede rin buhusan ng kumukulong tubig para ma­patay ang mga mikrobyo at parasites tulad ng kuto, galis at alipunga.

5. Mag-ingat sa lumang sapatos. Baka may alipunga ang dating gumamit nito.

6. Suriin ang mga damit na binibili. Mayroon din namang murang damit na hindi pa nagamit ng iba. Iyan na lang ang bilhin mo.


isinulat ni: Dr. Willie Ong

No comments