AMPALAYA
HALAMANG GAMOT: AMPALAYA
Ang ampalaya ay karaniwang gulay na nakikita sa hapag ng mga Pilipino. Ito ay kilalang-kilala dahil sa kulubot at mapait nitong bunga. Ang dahon din ay ginagamit na sangkap sa ilang mga lutuin. Tumutubo ito sa maraming lugar sa Pilipinas at sa mga bansang nasa rehiyong tropiko.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA AMPALAYA?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang ampalaya ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Kilalang taglay ng halamang ito ang ilang mga kemikal gaya ng alkaloids, glycosides, aglycone, tannin, sterol, phenol at protein.
Ang mga dahon at bunga ay may taglay na momordicin, ang kemikal na nagdadala ng mapait na lasa sa ampalaya.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Ang dahon ay kadalasang kinakatasan o kaya ay nilalaga upang ipang-gamot.
Bunga. Ang katas ng berdeng bunga ng ampalaya ay karaniwang ginagamit na panggamot sa maraming uri ng karamdaman. Maaari itong durugin at gawing inumin o kaya ay kainin mismo ang bunga bilang gulay.
Ugat. Ang ugat ay kadalasang pinakukuluan at pinapainom din upang ipanggamot.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG AMPALAYA?
Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang ampalaya ay ang sumusunod:
1. Pananakit sa katawan. Ang pag-inom sa katas ng dahon ampalaya ay sinasabing may epektong analgesic o nakapagpapawala ng pananakit sa katawan.
2. Pamamaga o pamamanas. May kakayahan din daw ang katas ng dahon ng ampalaya na alisin ang pamamanas o pamamaga sa katawan.
3. Diabetes. Ang katas mula sa dahon at bunga ng ampalaya ay may malaking tulong daw sa pagsasaayos ng lebel ng asukal sa katawan lalo na sa mga may sakit na diabetes. Ang bunga rin ay tumutulong sa pagpapalakas ng produksyon ng insulin sa pancreas o lapay.
4. Ulcer. Nakatutulong din daw sa mas mabilis na pagpapagaling ng ulcer sa sikmura ang pag-inom ng katas ng dahon ng ampalaya.
5. Sobrang timbang. Sinasabing ang katas mula sa bunga ng ampalaya ay makatutulong daw sa pagbabawas ng sobrang timbang at bilbil sa katawan.
6. Dengue. Ang katas ng dahon ng ampalaya ay maaaring makapagpabuti sa pakiramdam ng taong may sakit na dengue.
7. Impeksyon ng fungi. May ilang pag-aaral ang nagsasabing may epekto ang pag-inom at pagpahid ng katas ng ampalaya sa bahagi ng katawan na apektado ng impeksyon ng fungi.
8. Pagtatae o disinterya. Ang pinaglagaan ng dahon ng ampalaya ay karaniwang ginagamit bilang gamot sa pagtatae o disinterya.
9. Pagtatagihawat. Ang pinaglagaan ng ugat ng ampalaya o kaya ay pinaglagaan ng dahon ng ampalaya ay makatutulong daw sa pagbabawas ng tagihawat sa katawan.
10. Impeksyon ng bulate. Ang katas ng mismong prutas ay makatutulong upang tanggalin ang mga bulateng naninirahan sa sikmura.
Scientific name: Cucumis argyl H. Lev.; Mormodica balsamina Blanco; Momordica charantia Linn.;
Common name: Ampalaya (Tagalog), Bitter Melon o Bitter Gourd (Ingles)
Paalala: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
No comments