ALIKBANGON
HALAMANG GAMOT NA ALIKBANGON
Ang alikbangon ay isang maliit lamang na halaman na may makapal, malambot, at makatas na dahon at mga sanga. Ang halaman ay mistulang gumagapang at may bulaklak na kulay lila. Karaniwang makikitang tumutubo sa mga talahiban at lupang nakatiwangwang sa mabababang lugar sa Pilipinas.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Ang buong halaman ng alikbangon ay ginagamit sa panggagamot sa ilang mga kondisyon at karamdaman.
Dahon at tangkay. Karaniwnag nilalaga nang magkasama ang mga dahon at tangkay ng alikbangon at pinapainom sa may sakit. Maaari din itong dikdikin at katasan at ipampahid sa apektadong bahagi ng katawan.
ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MATULUNGAN NG ALIKBANGON?
1. Lagnat. Mabisang nakakapagpababa ng mataas na lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng pinatuyong dahon at tangkay ng alikbangon.
2. Sugat. Ang dinikdik naman na halaman ay maaaring ipampahid sugat upang mapabilis ang paghilom.
3. Pigsa. Mabisa ring panglunas sa pigsa pagpapahid ng katas mula sa dinikdik na halaman.
4. Paso. Ang pinitpit na halaman ay dapat ipantapal sa bahagi ng katawan na napaso.
5. Beke. Ang sariwang katas ng halaman ay dapat inumin para maibsan ang sintomas ng sakit na beke.
6. Hirap sa pag-ihi. Matutulungan ng pag-inom sa katas ng halaman ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi.
7. Tonsilitis. Ang pananaki sa paglunok dahil sa tonsilitis ay maaari namang maibsan ng paglunok sa katas ng halaman.
Common name: Alikbangon (Tagalog), Climbing dayflower (Ingles)
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
No comments