ADELFA
HALAMANG GAMOT NA ADELFA
Ang adelfa ay isang maliit at namumulaklak na puno na karaniwang tanim sa mga bakuran at gilid ng kalsada. Ang bulaklak nito ay kulay lila at may mahalimuyak na amoy. Ang dahon naman ay patulis at pahaba. Ang bunga ay pahaba rin at puno ng mga buto.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA ADELFA?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang adelfa ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Taglay ng halaman ang mga kemikal na alkaloids, tannins, flavonoids, amino acids, phenols, terpenoids, carbohydrates, loco anthocyanidine, steroids, at glycosides. Mayroon din itong oleandrin, tannin, at volatile oil.
Ang buto ay mayroong phytosterin at l-strophanthin.
Ang balat ng kahoy ay may taglay na nakakalasong glycosides, rosaginin, karabin at nerlin.
Ang ugat ay makukuhanan naman ng carbohydrates, proteins, steroids, flavanoids, tannins, and phenolic compounds
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Mag-ingat sa paggamit ng Adelfa sapagkat maaaring makalason ang ilang kemikal na makukuha sa sanga at dahon. Maaaring gamitin bilang gamot ang bahagi ng halaman tulad ng:
Dahon. Ang dahon ay karaniwang dinidikdik, hinahalo sa langis, at pinampapahid sa ilang kondisyon sa balat.
Ugat. Ang ugat ay maaari ding dikdikin at kuhanan ng katas upang maipampahid sa balat.
Sanga. Maaaring tadtarin at ihalo sa dahon ang sanga upang magamit sa panggagamot.
ANO ANG MGA SAKIT AT KONDISYON NA MAAARING MATULUNGAN NG ADELFA?
1. Buni. Ang sanga at dahon ay tinatadtad at hinahaluan ng langis ng niyog bago ipampahid sa balat na apektado ng buni.
2. Herpes simplex. Ang pagsusugat sa ilang bahagi ng balat na dulot ng impeksyon ng herpes zoster ay maaaring pahiran ng tinadtad na pinaghalong sanga at dahon ng adlefa na sinamahan pa ng langis ng niyog.
3. Pigsa. Ang dinikdik na dahon ay mabisa ring pampahid sa balat na apektado ng pigsa.
4. Eczema. Ang balat ng kahoy at dahon ay maaari ding gamitin para bigyan ng lunas ang pamamanas ng balat o eczema. Ang mga nabanggit na bahagi ay dinudurog at hinahalo lamang sa langis ng niyog bago ipampahid sa apektadong bahagi ng balat.
5. Kagat ng ahas. Pinaniniwalaang makatutulong din ang tinadtad na dahon ng adelfa kung ito ay ipantatapal sa sugat na nagmula sa kagat ng ahas.
Scientific name: Nerium indicum Mill.; Nerium oleander Blanco; Nerium odorum Soland.
Common name: Adelfa (Tagalog); Ceylon Tree, Oleander (Ingles)
Paalala: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
No comments